‘Mamasapano’ ng droga

SIMULA pa noong naging alkalde ng Caloocan si Reynaldo Malonzo, di na napasok, mas lalong di nagalugad ng pulis ang dalawang “Mamasapano” ng droga, ang Phase 12 at Balwarte sa Phase 8-B ng Bagong Silang, ang pinakamalaking barangay sa bansa, sa lawak at dami ng tao.
Ang Bagong Silang ay resettlement area ng mga squatter. Walang dini-demolish na squatter ng mga Muslim sa Metro Manila pero halos kalahati ng bilang ng kabuuang mga residente ng Bagong Silang ay mga Muslim o Moro.

Pero, hindi naman nagraratratan ang mga Muslim at Kristiyano sa Bagong Silang. Maganda ang kanilang samahan. Huwag mo akong salingin at di ka rin sasalingin, ang kasunduan ng kanilang magandang samahan. Mayabong din ang mga negosyo ng mga Kristiyano’t Moro rito. At mayabong din ang kanilang samahan sa produksyon at pagbebenta ng shabu.

Nang subukang pasukin ng mga ahente ng NBI (National Bureau of Investigation) ang Phase 12, dalawang ahente ang nalagas at ilan ang sugatan. Sinubukang pasukin ng anti-narcotics ang timplahan ng shabu sa Phase 12, pero isang 5-anyos na batang Muslim ang kanilang dinatnan, hindi pa marunong mag-Tagalog. Hindi pinapasok ng mga pulis ang Balwarte.

Nang pasukin ng dalawang katatalagang pulis ang Balwarte dahil hinahabol nila ang nakamotor na walang suot na helmet pero may dalang .45, todas ang dalawang pulis.

Noong isang buwan ay dalawang babae ang ginilitan hanggang sa mamatay sa Balwarte dahil sa onsehan sa droga.

Pinababayaan na lang ng mga pulis ang dalawag lugar na ito. Pero, dahil sa saku-sako ang pera na naririto, ito ang paborito ng mga politikong halang ang bituka.

Simula sa mataas hanggang sa mababang politiko, ang dalawang “Mamasapano” ng droga ang kumikinang na ginto na magpapasigla sa kanilang kampanya.

Isang malaking “biyahero” ng shabu ang mayor ngayon sa bilangguan dahil sa utos ng maimpluwensiyang politiko. Kapag dumating ang araw at napabalitang namatay ang “biyahero” sa selda, hindi na ito nakapagtataka.

Noong hepe ng Northern Police District ang dating Chief Supt. Leopoldo Bataoil, masagana ang produksyon ng shabu sa dalawang “Mamasapano” ng droga. Pero, hindi nakinabang, ni isang kusing, si Polbat (Leopoldo Bataoil) sa umaapaw na pera mula sa dalawang “Mamasapano” ng droga. Hindi masasabing nabukulan si Polbat, pero malinaw na isinakay siya sa tsubibo ng isang major problem.

Ayon sa ilang PO Box ng anti-illegal drugs ng Caloocan police at District, wala silang alam na oplan para lusubin ang dalawang “Mamasapano” ng droga. Hindi nakapagtataka iyan. Pero, ang nakapagtataka ay wala ito sa mapa ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency). At hindi naman ako nagugulat, o nahuhulog sa aking bangkito, dahil naging ubanin na ang aking balbas sa peryodiko at ang kalakaran ng mga law enforcement agencies kontra droga ay halos mapa na sa likod ng aking palad.

Isinakay na naman tayo sa tsubibo ng Kamara Belmonte, o SB daw. Drama, komedya at aksyon ang ipinakikita sa Kamara SB. Kailan man ay hindi mananaig ang maliit na grupo na ibig papanagutin ang mahal nilang pangulo. Dahil ang mananalo ay ang napakaraming kongresista na bayaran. Eh, di wow!

Habang nasa puwesto si Aquino ay hindi siya mapananagot sa nangyari sa Mamasapano. Tulad din iyan ni Gloria Arroyo. Na hindi napanagot ng Kamara at ng kuyog na mga akusasyon ng pagnanakaw. Pero, tiyak, maidedemanda na si Aquino kapag wala na ito sa puwesto. Inaykupu! Makaliligtas si Abad?

Pagkatapos magbanta ni Aquino na sasagasaan ang mga kritiko, sinisi ni Her Coloma ang media sa pagbagsak ng popularidad ng kanyang boss. Teka, si Ferdinand Marcos, ipinakulong ang mga kritiko. Ngayon pala, hindi na ipakukulong ang mga kritiko kundi basta na lang sasagasaan. Napakaraming kritiko ang senior citizens. Iyan pala ang mapapala ninyo.

MULA sa bayan (0906-5709843): Bakit buong Mindanao ang bukambibig sa balita? Sa totoo lang, ARMM lang naman ang magulo dahil sila-silang mga Muslim ang nag-aaway at hindi nagkakaunawaan. Sila-sila ang nagpapatayan. Ang mga gulo ay hindi away ng mga Kristiyano’t Muslim. Ang mga lider ng mga Muslim ang gumagawa ng gulo kaya’t hindi sila umuunlad at mas lumalawak ang kamangmangan. May mga lugar na payapa naman ang pagsasama ng mga Kristiyano’t Muslim, tulad ng Buluan at Datu Paglas sa Maguindanao, dahil ang kanilang lider ay bigay-todo ang trabaho sa kanilang nasasakupan. Dods ng Tacurong …9382

Kami po ay mga empleyado ng gobyerno. Isang linggo bago dumalaw si PNoy ay sinabihan kami ni direk na magsuot ng t-shirt na dilaw sa pagsalubong sa pangulo. Ang dilaw ay hindi pinapayagan sa aming paniniwala. Kapag nagsuot kami ng dilaw ni Aquino ay baka ipatawag kami ng pamamahala. At baka kami itiwalag. Mahal namin ang aming paniniwala. …6556

We are not allowed to express our opinions on the Mamasapano investigation. Pero, ang sobrang pagyurak nila kay Gen. Napenas ay malinaw na isa lamang ang ilaglag at iligtas si PNoy. Malalim ang pananaw ng mga NUP sa PNPA. Pero, hindi nga namin puwedeng i-text sa media. …2134

Iba na ang kanta ni Gen. Espina. Kumakampi na siya kay Aquino. Sa amin dine sa kampo, hindi maaaring DG ng PNP si Espina. Si Espina ay bata ni GMA. …3345

Nang dumalaw si VP Binay sa Lucena City, ipinaliwanag niya ang paninira sa kanya ng kaibigan niyang Aquino administration. Ako’y law student, kaya agad kong naunawaan ang paliwanag ni Binay sa mga paninirang ito. Aquino and Roxas are not lawyers. Ang abogado ay nagsasalita base sa ebidensiya na tatayo sa korte. Hindi sa korte basketbol. Arnel, Upper Iyam, …7855

Sana’y ilathala ng Bandera ang political advisers ni Pangulo dahil sa aking pagkakaalam ay wala naman siyang political adviser. Isa lang ang adviser niya, ayon sa media, at iyan ay si Alan Purisima, ang napakasipag na tagapayo kahit suspendido. … 1099

Mananalo si Isko Moreno kung siya’y ikakampanya ni Kuya Germs. Matatalo siya kapag siya’y ikampanya ni San Juan First Gentleman Erap. Si mayora raw ay nayayabangan kay Isko. …6643

Ang Batasan ni Apo ay stamp pad. Ang Batasan ni Aquino ay sure pad. Ang Batasan ni Gloria ay surest pad. …6432

Read more...