NAPAKAAGA pa ay makikita na si Willie Revillame sa ginagawang studio sa kahabaan ng Kalayaan Avenue sa Kyusi. Kailangan niyang tutukan ang bawat detalye sa paggawa dahil ‘yun na ang magiging tahanan ng bago niyang show sa GMA 7.
Biglang mabubuhay ang lugar dahil sa Wowowin, sa May 10 nang hapon ay siguradong magbabago na ang mga kaganapan du’n dahil sa mga kababayan nating susugod para iwelkam ang matagal na nilang kinasasabikang si Willie.
Sabi ng isang kaibigan naming inip na inip na sa pagbabalik-telebisyon ng aktor-TV host, “Bakit nga ba ganu’n? Kung kailan naman malapit na siyang bumalik, saka pa ako inaapuntahan ng pagkainip?
“Nakapaghintay nga ako nang mahigit na isang taon, miss na miss ko ang show, pero kung kailan malapit na ang May 10, saka pa ako nagkakaganito?
“Sa lugar namin, si Kuya Wil talaga ang tinututukan, makikita mo ang TV sa lahat ng mga hilera ng bahay, sa kanya nakatutok, ganu’n katindi ang charisma niya,” masayang kuwento ng aming kaibigan.
Ilang tulog at gising na lang at May 10 na! Konting panahon na lang at Wowowin na! Uulan na naman ng mga jacket, cellphone at cash sa pagbabalik ni Willie Revillame!
Ngayon pa lang ay nagpaplano na ang kanyang mga tagasuporta, ang mga magmumula pa sa malalayong probinsiya ay kumukuha na ng reservation para sa unang sultada ng Wowowin, ang programang para naman talaga sa kanila.