Motor nasisira dahil sa maling pag-aalaga


SA pag-aaral ng Asian Development Bank sa mga motorsiklo at tricycle na tumatakbo sa Quezon City at Puerto Princesa, sinasabi nito na nagiging mausok at maingay ang mga motorsiklo dahil sa maling pag-aalaga.

Isa rin sa mga sinasabing dahilan ay ang kawalan ng sapat na kaalaman ang mga tricycle driver o rider sa ginagawa nilang paghalo ng langis sa gasolina upang hindi masira ang piston ng kanilang two-stroke motorcycle

And sobra din na langis na inihahalo ng  mga driver at rider ay may epekto kung bakit nagiging mausok ang kanilang motorsiklo.

Kaya, payo ng ADB, kailangan sa pagbili ng motor alamin  kung ano ang tamang pag-aalaga nito, kadalasan na sa mga polyetos nito ang paraan.

Napansin rin sa pag-aaral ng ADB ang paggamit ng recycled at tingi-tinging langis ng mga tricycle driver sa halip na bumili ng 2T oil ay nakakaapekto rin sa pagtakbo ng motor.

Japan versus China-made

Bibili ka ba kamo ng motor?

Ni Leifbilly Begas

DAHIL mahal ang gasolina at trapik sa maraming kalsada ng Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa bansa, marami na ang gumagamit ng motorsiklo.

At kasabay ng pagtaas ng demand sa mga motorsiklo ay nagsulputan rin ang mga kompanya na gumagawa nito.

Dahil dito, marami ang naeengganyo na bumili ng motorsiklo dahil sa iba’t ibang promo na naiisip ng mga dealer.

Pero bago ka tuluyang dumukot sa bulsa, dapat ay mag-isip muna upang masiguro na tama ang gagawing paggastos at baka sa kuwentahan sa huli, mas malaki pa ang iyong ginastos kaysa pakinabang na idudulot nito.
Presyo
Kadalasan, ang unang-unang isinasaalang-alang nang mga nagpaplanong bumili nt motor ay ang presyo.

Alam nyo ba na ang mga motorsiklo na mas mababa sa 500cc ay dumarating sa bansa nang hindi pa buo?

Ang mga motorcycle company sa Japan ay nagpapadala ng mga piyesa sa Pilipinas at dito na binubuo ng kanilang mga subsidiary.

Ilan din sa mga piyesa nito ay dito na rin sa bansa ginagawa dahil mas mura ito ng  50 hanggang 60 porsyento ang halaga nito.

Mahal ang presyo ng mga motorsiklo (four stroke) na produkto ng Japan (nagkakahalaga ito ng P69,000 hanggang P75,000), o kung minsan ay mas mahal pa depende sa modelo.

Kaya naman nakakaakit ng atensyon ang mga China made na motorsiklo, na di hamak na mas mura o mas mababa sa P50,000.

Ilang motorcycle dealer din ang pumapayag din sa pahulugan para makabenta.

Mayroong mga dealer na pumapayag sa P12,000 downpayment at P4,000 buwanang hulog sa loob ng tatlong taon para sa Japan made motorcycles.

Sa mga Chinese model naman ay maaaring mag-down ng P2,000 hanggang P6,000 depende sa brand, at ang buwanang hulog naman ay hindi bababa sa P1,000.

Sa mga motorsiklo na binili para gawing tricycle, mayroong mga dealer na pumapayag ng boundary hulog o P100 kada araw. Ang boundary ay naglalaro sa P100 hanggang P120.

Piyesa
Dahil mas matagal nang ginagamit sa bansa ang mga Japanese model na motorsiklo, mas madaling humanap ng piyesa nito kapag kinukumpuni.

Marami ring dumarating na piyesa nito sa bansa dahil narito ang kanilang assembly.

Ito naman ang kadalasang problema sa mga China made. Kapag ang mga mahahalagang bahagi ng makina ang nasira ay hindi ito kaagad nakukumpuni.

Kailangan ding isaalang-alang sa pagbili ng motorsiklo ang tibay nito.

Subok na ng mga Pinoy ang tibay ng mga gawa sa Japan kaya kahit na pangdalawahan lamang ay nilalagyan ito ng sidecar upang madagdagan pa ng tatlo ang makakasakay.

Second hand
Mayroon ding mga naeenganyo na bumili ng second hand dahil mas mura ito. Ilan naman ang nag-aabang sa narematang motorsiklo na muling ibinebenta ng dealer upang makamura.

Kung ito ang plano mas makabubuti na magsama ng mekaniko na susuri sa motorsiklo bago ito bayaran.

Kung kulang ang kaalaman posible na hindi makita ang mga piyesa na kakailanganin ng palitan.

At kapag nangyari ito ay baka mas lumaki pa ang gastos sa pagpapakumpuni.

Tandaan na hindi lamang ang panglabas na itsura ng motorsiklo ang dapat na tignan kundi maging ang mga piyesa nito sa loob.

Batas
Alamin din kung mayroong mga batas na nagtatakda ng requirements sa mga nagmomotorsiklo lalo na kung gagamitin ito sa pamamasada.

Sa Metro Manila mayroong mga subdibisyon na nagbabawal sa pagpasok ng mga two-stroke na tricycle.

MAY reklamo ka ba sa E-10 gasoline, peke at substandard na piyesa, at ilang bagay hinggil sa fuel, lubricants, motor, atbp?  I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 0917-8052374

Read more...