Ang paninisi ni Coloma sa media

NAGKAKAMALI si Sec. Herminio Coloma ng Presidential Communications Operations Office kung inaakala niyang mapapaikot niya ang publiko sa ginawa niyang pagpapaliwanag hinggil sa pagbulusok ng performance at trust rating ni Pangulong Aquino.

Sa lingguhang pagharap ni Coloma sa mga mamamahayag na naka-assign sa Palasyo ng Malacañang, walang kakurap-kurap na sinabi nito na ang pagbagsak ng rating ni Ginoong Aquino ay kagagawan ng media.

“Ang mga rating ay naka-ugnay sa mga headlines at sa mga inilalathala sa media na binabasa at inuunawa ng a-ting mga mamamayan. Kaya sa aming paningin ito ay  media-related sa malaking bahagi,” ang pahayag ni Coloma nang hingan ng reaksyon hinggil sa bagong resulta ng survey na inilabas ng Social Weather Station.

Ayon sa resulta ng survey ng SWS, pinakamababa ang net satisfaction rating ni G. Aquino nitong Marso. Naitala ang 11 porsyento net satisfaction rating (47% satisfied, 17% undecided, 36% dissatisfied) ang nakuha ni G. Aquino. Ito ay mula sa dating 39 porsyento na kanyang nakuha noong Disyembre 2014.

Malinaw na naghahanap lamang nang masisisi itong si Coloma dahil hirap na hirap siyang maipagtanggol ang patuloy na pagbulusok ng rating ni Ginoong Aquino.

Hindi maamin ng kalihim sa kanyang sarili na hirap siyang ipaliwanag ang sunod-sunod na kapalpakan ni G. Aquino, lalo na ngayon na patuloy pa ring nag-iinit ang isyu ng Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force.

Kung matatandaan, sa hu-ling survey ng Pulse Asia, bumagsak din ang approval rating ni G. Aquino ng 21 porsyento. Mula sa dating 59 porsyento na naitala noong Nobyembre 2014, umaabot na lamang ito sa 38 porsyento nitong Marso.

Nagmumukha tuloy na katawa-tawa si Coloma nang isisi niya sa media ang pagbasak ng rating ng kanyang amo. Hindi pa ba sapat na mismong dalawang survey firm ang nagsasabi na patuloy ang pagbaba ng rating ni G. Aquino.

Ano nga ba ang maaasahan dito kay Coloma?

Noong kasagsagan ng isyu ng mga kapalpakan ng MRT, hindi ba’t si Coloma rin ang painsultong nagsalita sa publiko na mag-bus o kaya ay mag-taxi kung ayaw sumakay sa sira-sira at siksikan na MRT?

At sino rin ba ang makali-limot sa pamosong linya ni Coloma na: “Wala pong ganoong kaganapan, yung mas pinili. Talaga pong wala sa kanyang schedule yan.” Ito ay ang ginawang pagtatanggol ni Coloma kay G. Aquino nang hindi sumalubong ang pangulo sa mga bangkay ng SAF sa Villamor Air base at sa halip ay nagtungo sa inauguration ng isang car plant sa Laguna.

Ang hindi maamin sa sarili ng kalihim kaya patuloy ang kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon ay dahil na rin mismo sa mga nakapaligid kay G. Aquino tulad ni Coloma.

Sa pangunguna ni G. Aquino, magkakasama sila sa paniniwalang tama ang daan na kanilang tinatahak sa harap nang galit na galit na taumbayan.

Read more...