Sino ang mas bayani?

HANGGANG ngayon wala pa ring pagbabago. Marami sa ating mga OFW na walang pakialam kung may ipatupad man na Crisis Alert Level 4 ang pamahalaan sa lugar na kanilang pinagtatrabahuan.

Sa kanila, walang ibig sabihin ang panawagang iyon.

At parang sirang plaka naman ang ating gobyerno sa maya’t-mayang panawagan sa mga OFW at nakikiusap na umuwi sa Pilipinas sa sandaling may sumiklab na gera sa lugar.

Tulad na lamang sa Yemen ngayon. Mariin ang panawagan ng gobyerno na umuwi na sa bansa dahil sa tindi ng gulo roon. Iba na ang sitwasyon, suspendido na ang mga commercial flights, wala nang maaaring makalabas maliban na lang kung ito’y government assisted repatriation.

Wala tayong embahada sa Yemen. Ang Philippine Embassy sa Riyadh, Saudi Arabia ang siyang may jurisdiction sa mga Pilipino sa Yemen.

Napakahirap na ngayon ng koordinasyon doon.

Dumating na sa punto na nagpapaisyu na ng waiver ang ating pamahalaan sa mga OFW doon na walang responsibilidad ang Pilipinas sa sandaling tuwiran silang tumangging maiuwi sa bansa.

Hinikayat na rin ang mga OFW na i-text o magpadala ng mensahe sa gobyerno kung talagang ayaw nilang umuwi. Para nga naman pag nagkagipitan na ay hindi masisisi ang pamahalaan na ito ay nagpabaya.

Gayan palagi kasi ang eksena, kesyo ang babagal daw ang pamahalaan at walang ibinibigay na proteksyon sa mga OFWs na naiipit sa gulo.

Malala na rin ang sitwasyon sa Libya. May kababayan na tayong namatay doon dahil sa tinamaan ng bomba.

At kamakailan lang ay meron namang nabalitang OFW na dinukot. Madaling nagtungo si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario para makiusap sa mga kababayan na umuwi na.

Ang dami talagang pasaway na OFW na itinuturing nating mga bagong bayani.

At alam naman natin na mapanganib ang buhay na sinusuong ng ating mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo, pero ang katotohanan ay mas mapanganib ang ginagawa ng ating mga opisyal sa kanilang mga operasyon sa ibayong dagat. Tulad na lamang ng Rapid Response Team na ang trabaho ay maglikas ng maraming Pinoy saan man sa mundo.

Mga tao rin ang mga ito at may mga pamilya. Pero ang layunin nila ay maiuwi sa bansa ang mga kababayang Pinoy, lalo na ang mga pasaway, na naiipit sa gera.

Sino ngayon ang mas bayani? Ang ating mga OFW na nagpapapilit at sarili lamang ang iniisip o ang ating mga opisyal na itinataya pati ang kanilang buhay para sa kaligtasan ng ating mga OFW?

Sana naman kapag naglabas na ang pamahalaan ng Crisis Alert Level 3 o Voluntary Repatriation ay agad na lamang sanang sumunod at saka na problemahin ang iba pang mga bagay. Palaging tatandaan na buhay ang nakataya sa ganitong mga sitwasyon.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...