HINDI pa nga pangulo ng bansa, pero kung umasta itong si Vice President Jojo Binay ay tinalo pa niya si Pangulong Noynoy na simple lang kung kumilos.
Noong Huwebes Santo, dumalo si Binay ng Misa sa simbahan ng Sta. Cruz sa Laguna bilang isa sa mga “apostoles” na hinugasan ng pari ng kanilang mga paa.
Ang loob at labas ng simbahan ay naglipana ng mga unipormado at naka-sibilyan na bodyguards ni Binay.
Isang platoon ng miyembro ng Special Action Force (SAF) na nakasuot ng combat fatigues at fully armed ang nagbantay sa labas ng simbahan.
Ilang unipormadong pulis na nakasakay sa patrol cars ang naghintay sa pangalawang pangulo sa labas ng simbahan.
Ang mga nakasibilyan na security escorts ay lakad ng lakad sa loob sa simbahan dala-dala ang kanilang mga walkie-talkie, sabi ng isang naroon.
Nang ipinahayag ng pari na nandoon si Binay, maraming nagsisimba ang lumabas dahil marahil sa kahambugan ng pangalawang pangulo.
Kung hindi siya naghahambog, bakit napakarami naman siyang bodyguards?
Ang mga naging bise presidente bago si Binay ay hindi naman ganoon karami ang bodyguards kapag sila’y lumakad.
Ang immediate predecessor ni Binay, si Noli de Castro, ay isa o dalawa lang na bodyguards ang sumasama kapag siya’y lumakad.
Hindi nagtapos ang drama ng kahambugan ng Vice President sa Sta. Cruz church.
Nang pabalik na ang convoy ni Binay sa Maynila ay nag-counterflow ito sa heavy traffic upang mapadali ang takbo.
At hindi lang yan: Nagwang-wang pa ang mga gago!
Di ba’t ipinagbabawal ni P-Noy ang paggamit ng wang-wang kung hindi ang mga trak ng bombero o ambulansiya lang na tumutugon sa emergency?
Matatandaan na matapos makapanumpa si
P-Noy sa Luneta bilang pangulo at sa kanyang talumpati ay binatikos niya ang mga gumagamit ng wang-wang, si Binay at ang kanyang convoy ay nagwang-wang paalis ng Luneta.
Hindi mahirap isipin kung anong klaseng pangulo ang magkakaroon tayo kapag nailuklok si Binay sa Malakanyang.
Hindi ba ninyo natatandaan mga dear readers, ang kahambugan ng pamilya Binay isa’t kalahating taon na ang nakararaan?
Si Mayor Junjun Binay at ang kapatid nitong si Senadora Nancy ay nanggaling sa bahay ni Congresswoman Abigail, na isa pang kapatid nila, sa Dasmarinas Village, na lugar ng mayayaman, nang sila’y hindi pinayagan ng mga security guards na gumamit ng nakasarang gate ng village.
Sa halip na bumalik ang convoy nina Junjun at Nancy, bumaba ang mayor ng Makati at pinagalitan ang pobreng mga guwardiya na tumutupad lang sa utos ng mga homeowners.
Tinutukan ng mga bodyguards ni Junjun ang mga “jaguar.” Hindi pa siya nakontento na takutin ang mga ito, pinaaresto pa niya ang kawawang mga guwardiya sa mga pulis.
Nakulong ang mga guwardiya ng ilang oras bago sila pinalabas.
Nang pumutok ang balita sa mga pahayagan, lalo na sa INQUIRER, sister publication nitong Bandera, kinampihan ni Vice President Jojo ang kanyang anak.
Sinabi niya, “Bigyan naman ng kaunting paggalang ang mayor.”
Kapag naging pangulo si Jojo Binay baka aangkinin na niya ang buong bansa na kanyang sariling pag-aaari.
Ganitong bang klaseng tao ang gusto nating maging lider ng bansa?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.