Mga Laro sa Huwebes
(Ynares Sports Arena)
1 p.m. MP Hotel vs Liver Marin
3p.m. AMA Universityvs Hapee
Team Standings: Cebuana Lhuillier (3-0); Jumbo Plastic (2-1); Café France (2-1); AMA University (2-1); Hapee (1-1); KeraMix (2-2); Cagayan Valley (1-2); MP Hotel (1-2); Tanduay Light (1-2); Liver Marin (0-3)
NAGTALA ng magkahiwalay na panalo ang Jumbo Plastic at Café France para magkasalo sa ikalawang puwesto sa PBA D-League Foundation’s Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sumandal ang Giants sa kanilang mga guards upang ikasa ang 78-72 panalo laban sa KeraMix na lumasap ng ikalawang dikit na pagkatalo matapos hawakan ang 2-0 karta.
Tumapos si dating Jose Rizal University guard Alex Almario taglay ang nangungunang 17 puntos at limang steals habang ang iba pang guards tulad nina Philip Paniamogan at Dennis Villamor ay may solidong numero para ibigay sa Giants ang ikalawang sunod na panalo matapos ang tatlong laro.
Si Paniamogan na galing din ng JRU ay mayroong 12 puntos habang 10 puntos ang hatid ng dating National University guard na si Villamor.
Ang dalawa ay may tig-10 rebounds pa upang mapagningning ang laro para masundan ng Jumbo Plastic ang 64-61 panalo sa Hapee sa huling asignatura.
Apat na manlalaro ang naghatid ng hindi bababa sa 13 puntos para makumpleto ng Café France ang pagbangon mula 14-puntos pagkakalubog tungo sa 86-80 tagumpay sa Cagayan Valley sa ikalawang laro.
Nagpasabog ng 34 puntos sa huling yugto ang Bakers at ang tres ni Aaron Jeruta ang nagpasiklab sa krusyal na 9-0 bomba sa huling tatlong minuto para tuluyang matabunan ang 52-66 iskor matapos ang tatlong yugto.
May 2-1 karta ngayon ang Café France at Jumbo Plastic upang makasalo sa pangalawang puwesto ang pahingang AMA University.
Ang Rising Suns ay nalaglag sa ikalawang sunod na kabiguan matapos ang tatlong laro para malaglag sa ikapitong puwesto sa team standings.
Ang mangungunang anim na koponan matapos ang single-round robin elimination ang aabante sa playoffs.