Batay sa hanay ng mga bituin: Pacman suswertehin sa Mayo 2

DALAWAMPU’T walong araw na lang at sapakan na nina Pacman at Floyd sa Las Vegas.

Para makapanood nito, P2,000 pay-per-view sa Skycable o Cignal. Sa mga sinehan, nasa P800 hanggang P1,000.
Salamat at merong mga pulitikong nagpapalabas ng libre sa mga public stadium, auditorium at iba pa.
Asahan na ang super delayed telecast sa free tv (2, 5 at 7) dahil sa sandamakmak na commercial.
Sino nga ba ang mananalo sa Mayo 3 (oras sa Pilipinas)?
***
Ayon sa mga sugarol sa Las Vegas, 4/9 ang odds ni Floyd, ibig sabihin, sa bawat P100 taya, mananalo kayo ng P144 pesos. Si Manny naman ay nasa 15/8 ang odds, na ang ibig sabihin ay mananalo kayo ng P288.

Sa madaling salita, llamadong-llamado si Floyd.

Sa mga boxing analysts, halos pantay ang pananaw sa dalawang boksingero.

Si Floyd ang matuturing na “defensive master”, counter puncher, boxing technician, magaling mag-adjust, may hand speed, mabilis, takbo nang takbo at malakas ang straight right punch habang si Manny ang “offensive master,” pinakamagaling na “south paw” o kaliweteng boksingero, volume puncher (higit 100 suntok bawat laban), straight left punch , may KO power, walang pagod, mabilis na footwork, at awkward ang estilo.

May kanya-kanya rin silang kahinaan.

Si Manny kontrapelo sa mga “counter punchers,” straight right na suntok, mga boxers o “jab ng jab” sa buong laban, umaatras, at mga boksingerong nanggugulang sa ring habang si Floyd ay mahina laban sa mga “southpaws” o kaliweteng boksingero (dalawa lang nakalaban niya at muntik siyang matalo), takot siya sa straight left punch, mabibilis na suntok at mga “awkward” na sumuntok na kalaban.

Kaya nga balanseng-balanse ang labang ito, kaya nga kung susuriin, ganito  ang match-up: Dalawang all-time great boxers ng panahon natin, maglalaban head to head.
***
Ang mas paglalabanan nila ngayon ay ang “mental control” at respeto sa suntok ng kalaban.

Alam niyo naman si Manny, kapag nakita niyang kaya niya ang suntok ni Floyd, tatadtarin niya ito ng suntok kaliwa’t-kanan tulad ng ginawa niya kina De la Hoya, Cotto, Barrera , Mosley, Bradley at Algieri.

Pero, kapag nakatikim siya ng malakas na counterpunch ni Floyd na ala-Marquez, baka mag-iba ang ihip ng hangin kay Manny.
Pero, sabi ng aking paboritong astrologer, walang duda na si Manny ang suswertehin sa magiging laban nito kay Mayweather.

Hindi lamang daw maswerte, kundi talagang ubod ng swerte si Pacquiao sa araw na iyon, batay sa pag-aaral niya sa hanay ng mga bituin at planeta.

Kaya’t hindi raw siya magtataka kung mananalo ang ating Pambansang Kamao kay Mayweather sa araw na mismong si Floyd pa ang pumili.

Read more...