Roel Cortez pumanaw na pero mananatiling buhay ang mga kanta

roel corterz
Isang Pilipinong mang-aawit na naman ang namaalam na. Sino nga ba ang makalilimot sa pinasikat niyang piyesa para sa mga OFW, ang “Napakasakit, Kuya Eddie,” na mula nang kantahin niya ilang dekada na ang nakararaan ay pinatutugtog pa rin sa radyo hanggang ngayon?

Namatay sa colon cancer ang magaling na singer na si Roel Cortez. Madalas naming patugtugin ang kanyang mga kanta sa aming programa kahit hindi kami personal na magkakilala, hanggang sa magkapalitan kami ng numero at magkabalitaan na, maysakit na si Roel nang magkaroon kami ng komunikasyon.

Nu’ng huli naming mapanood ang panayam sa kanya ni Jessica Soho ay nakahiga na lang siya, malaking-malaki na ang tiyan, panahon na lang daw ang kanyang hinihintay.

Binisita pa siya ni Ka Freddie Aguilar at ng sumulat ng komposisyong pinasikat niya, “Nu’ng magpa-check-up ako, sabi ng doktor sa akin, lampas pa raw sa stage 4 ang cancer ko. Wala na raw lunas.”

Sumikat man ang kanyang mga kanta ay hindi nu’n pinagbago ang kanyang buhay, matumal daw ang pagdating ng royalty, kulang na kulang sa kanyang pangangailangan.

Katulad ng mga singer na nauna nang sumakabilang-buhay, nawala man ang umawit ay mananatiling buhay ang mga kantang pinasikat niya, palaging maaalala ng mundo ng musika na minsan isang panahon ay pinaligaya niya ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng kanyang mga piyesa.

Read more...