Sibilyan ang talo sa all-out war ng militar

NITONG nakaraang Lunes, Marso 30, pormal na tinapos ng Armed Forces of the Philippines ang all-out war na kanilang inilunsad laban sa rebeldeng grupo na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Sa pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang, ang paglulunsad ng all-out war na ginawa ng militar ay upang “masawata” ang BIFF at maaresto ang teroristang si Basit Usman.

Tumagal nang mahigit isang buwan ang bakbakan na nagresulta sa pagkakapatay diumano ng 151 miyembro ng BIFF, 65 sugatan at 12 arestado habang sa tropa ng militar ay 10 ang naiulat na nasawi at 33 naman ang nasugatan.

Buong pagmamayabang na idineklara ni Catapang na tapos na kanilang all-out offensive laban sa BIFF, at karamihan daw sa mga rebeldeng ay nagtatago na sa katubigan ng Liguasan at sa mga kabundukan.

Pero sa kabila nang pagmamalaking ito ni Catapang, sa halip na umani ang opisyal ng mga papuri, maraming tanong ang dapat niyang sagutin sa isinagawang gera laban sa BIFF.

Kung totoo man na naging matagumpay ang nasabing opensiba ng militar, bakit hanggang ngayon ay malaya pa rin gumagala sa Mindanao sina Usman at ang kumander ng BIFF na si Umbra Kato?

Tagumpay ba na masasabi na naapektuhan ang kabuhayan nang may halos 120,000 sibilyan dahil sa gerang inilunsad ng AFP? Sila na napilitang iwan ang kanilang mga tahanan, kabuhayan at maging pag-aaral dahil sa sunud-sunod na pambobomba na isinagawa ng AFP sa kainitan ng laban sa BIFF.

Ngayon na tapos na raw ang opensiba, marami pa ring sibilyan ang nananatili sa evacuation centers; dumadanas ng gutom dahil kulang ang suplay ng pagkain. Hanggang ngayon ay ayaw bumalik sa kani-kanilang bahay sa takot na muling sumiklab ang karahasan.

Kung tutuusin, sa simula pa lamang, malabo na talaga ang layunin ng paglulunsad ng all-out war ng AFP laban sa BIFF.

Sa gitna ng manit na pinag-uusapang Mamasapano incident, nakapagdududa kung bakit biglang nagdeklara ng gera ang AFP sa BIFF.

Divertionary tactic ba ito para mahati ang atensyon ng taumbayan sa pagkakapatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force?

Kung sasabihin kasing wawakasan na nila ang BIFF sa isasagawang opensiba, mukhang malabong katwiran ito.

Alam lahat ng estudyante ng kasaysayan na hindi magagapi ng dahas ang isang rebolus-yonaryong kilusang kung maayos ang idolohiya nitong pinanghahawakan.

Nakalulungkot, dahil luma-labas na collateral damage ang mga sibilyan sa nangyaring all-out war ng AFP laban sa BIFF.

Asahan sa mga susunod na araw, linggo o buwan, aktibo at naririyan na naman sa paligid ang rebeldeng BIFF.

Read more...