MULING nagsuspindi ang Philippine Basketball Association (PBA) ng isa na namang referee matapos ang maling tawag sa Game One ng semifinals series sa pagitan ng Rain or Shine Elasto Painters at Meralco Bolts noong Martes ng gabi.
Sa pahayag na inilabas kahapon, sinuspindi ng liga ang referee na si Art Herrera ng five game days o one week with no pay “for an error in mechanics and judgement in changing a call.”
Binalewala ni Herrera ang 3-pointer ni Gabe Norwood na nagbigay sana sa Rain or Shine ng 10 puntos na bentahe, 90-80, may 5:35 ang nalalabi sa laro dahil ang tira ni Norwood ay hindi umano umabot sa shot clock, na isang non-reviewable play.
Subalit sa replay ay malinaw na nakita na sumakto ang bitaw ni Norwood sa bola dahil may isang segundo pa ang nalalabi bago tumunog ang shot clock.
Nanalo naman ang Elasto Painters laban sa Bolts, 99-86, at nakuha ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-five duel subalit hindi naman natuwa si Rain or Shine head coach Yeng Guiao sa maling tawag dahil baka natalo sila sa laro.
“Again, I think it was an officiating error where Gabe shot the ball there was no call and the refs corrected the call after the shot has been made,” sabi ni Guiao matapos ang panalo ng Painters. “I don’t know if you can make a correction like that in a ballgame without blowing your whistle. There was no whistle.”
“We’re getting confused. We just need to get hold of the officiating. Sayang naman ‘yung series. If this game was closer that would’ve really mattered a lot,” dagdag pa ni Guiao.
Ito naman ang ikalawang sunod na laro na ang Rain or Shine ay nasangkot sa kontrobersyal na laro.