Talk ‘N Text, Purefoods magsasagupa sa semis

purefoods vs. talk n text

Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

7 p.m. Talk ‘N Text vs. Purefoods Star

NOONG huli silang magtagpo ay kinailangan pa ng tatlong overtime period upang mapagdesisyunan ang magwawagi sa out-of-town game na ginanap sa Davao City.

Ngayo’y mas mabigat ang nakataya sa salpukan ng Talk ‘N Text at defending champion Purefoods Star sa best-of-five semifinals series ng PBA Commissioner’s Cup na magsisimula mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.

Naungusan ng Hotshots ang Tropang Texters, 118-117, matapos ang tatlong extra period sa kanilang elimination round game sa University of Southeastern Philippines noong Marso 14.

Ang Hotshots ay ipinanalo ng import na si Denzel Bowles na gumawa ng isang off-balanced shot may 7.1 segundo na lang ang nalalabi sa laro.

Naglaro si Bolwes kahit na nananakit ang kaliwang tuhod matapos na magkabanggaan sila ni Matt Ganuelas Rosser sa unang overtime period. Guinawa niya ang 11 sa kanyang game-high 30 puntos sa tatlong overtime periods.

Makakatuwang ni Bowles sina James Yap, Marc Pingris, Peter June Simon, Mark Barroca at Joe DeVance.

Hindi natapos ni Talk ’N Text import Ivan Johnson ang larong iyon dahil sa na-foul out ito sa ikalawang overtime. Gayunman, nagtapos siya na may 26 puntos.

Pinulikat din si Jayson Castro at naupo sa ikatlong overtime period matapos na gumawa ng 24 puntos.

Aasa rin ang Texters kina Ranidel de Ocampo, Jay Washington at Larry Fonacier. —Barry Pascua

Read more...