Ang galing daw ng pagkaka-twist ng kuwento ng seryeng Walang Hanggan dahil pagkatapos malaman na nina Emily (Dawn Zulueta) at Marco (Richard Gomez) na anak nila si Daniel (Coco Martin) ay may iba na namang aabangan ang taumbayan sa kuwento.
Kailan daw mabubuking ni Emily na si Miguel (Nonie Buencamino) pala ang tumraydor sa kanya na kasabwat pala nina Dona Margareth (Helen Gamboa) at Tomas (Joem Bascon).
At inaabangan din ng solid Daniel fans kung kailan sila magkakabalikan ni Katerina (Julia Montes) at kung kailan mamamatay si Nathan (Paulo Avelino).
Oo nga, mukhang mahaba-haba pa ang Walang Hanggan na ang ang pagkakaalam namin ay hanggang katapusan lang ng Mayo o kalagitnaan ng Hunyo, pero ngayong ayaw pang bumitiw ang manonood maging ang mga advertisers ay mukhang mae-extend pa ito hanggang Hulyo.May isa pang tanong sa amin ang mga viewers ng serye, kailan naman daw muling magsasama sa pelikula sina Richard at Dawn?
Sana raw bago kumandidato si Goma bilang Mayor ng Ormoc City ay gumawa muna sila ni Dawn ng pelikula.
Oo nga, mula noong nagpa-gupit at naging slim si Richard ay bumata siyang tingnan at mas lalo silang naging bagay ni Dawn.
Sana maisip ng Cine Media o Star Cinema na pagsamahin ang dalawa sa isang proyekto.
Anyway, wala naman sigurong kokontra na hawak ng Walang Hanggan ang may pinakamataas na ratings sa buong Pilipinas at nasa report din ‘yan ng AGB Nielsen bukod pa sa Kantar Media.