Nietes, Donaire wagi sa Pinoy Pride 30

NAPAGTAGUMPAYAN nina Donnie Nietes at Nonito Donaire Jr. na maipanalo ang kanilang mga laban sa Pinoy Pride 30: D-Day noong Sabado ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Kinailangang ipakita ni Nietes ang kanyang pasensya para maitala ang ninth round technical knockout panalo laban kay Gilberto Parra ng Mexico tungo sa matagumpay na pagdepensa sa hawak na WBO world junior flyweight title.

“Sa first round pa lang ay alam kong kaya ko siya. Magaling siya at nahirapan ako ng kaunti,” wika ni Nietes.

Masidhi ang pagnanais niyang manalo kay Parra matapos ihayag ng Mexican challenger ang kahandaan na wakasan ang pagpapanalo niya laban sa mga Mexican boxers.

Ang laban ay tune-up match niya sa mas malaking mandatory title defense kontra kay Francisco Rodriguez ng Mexico sa Hulyo 4 sa Cebu City.

“He’s next fight is against Francisco Rodriguez and after that we will see who’s next,” wika ng promoter ni Nietes na si Michael Aldeguer ng ALA Promotions.

Bago ito ay nagpasiklab muna si Nonito Donaire Jr. nang hiritan ng second round technical knockout panalo si William Prado ng Brazil para maiuwi rin ang WBC NABF super bantamweight title.

Sinukat muna ni Donaire ang kalaban bago ipinalasap ang lakas ng kamao sa ikalawang round. Hindi na nakasuntok ng maganda si Prado dahil pinaulanan siya ng matitinding kaliwa ni Donaire.

Itinigil ni referee Bruce McTavish ang laban sa ikalawang round may 2:16 sa orasan nang hindi na nakatugon si Prado sa tatlong matitinding kaliwa na tumama sa kanyang ulo.

Read more...