ITATATAK nina Donnie Nietes at Nonito Donaire Jr. ang kanilang kalidad sa mga dayuhan sa Pinoy Pride 30 D-Day ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Itataya ni Nietes ang hawak na WBO World junior flyweight title laban kay Gilberto Parra ng Mexico City habang si Donaire ay mapapalaban kay William Prado ng Brazil para sa bakanteng WBC NABF super bantamweight title.
Naipakita nina Nietes at Donaire ang magandang kondisyon nang tumimbang sila sa eksaktong 108 at 122 pounds sa official weigh-in kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Gagamitin ni Nietes ang laban na ito bilang tune-up fight bago isagawa ang mandatory title fight laban kay Francisco Rodriquez Jr. ng Mexico sa Hulyo.
Si Parra ay pamalit lamang na kalaban ni Nietes dahil ang orihinal na katunggali ay si Luis Ceja pero hindi pumayag ang WBO.
“Wala namang pagbabago sa paghahanda namin. Pinag-aralan din naming ang mga ikinikilos ni Parra at handang-handa na ako,” wika ni Nietes.
Determinado rin si Donaire na manalo kay Prado para makabangon mula sa sixth round knockout pagkatalo kay Nicholas Walters ng Jamaica limang buwan na ang nakakaraan.
“I have found the key to rise again,” wika ni Donaire. “All I need to do is to look forward and better.”
Hanap niya ang kumbinsidong panalo upang makatiyak na mabibigyan siya ng magandang rating ng WBC sa hangaring maging isang world title contender uli.
Magugunitang dinomina ni Donaire ang super bantamweight division noong 2012 kung kailan hinirang din siya bilang Fighter of the Year.
Dalawa pang supporting bouts na may titulong paglalabanan ang mauunang mapapanood sa fight card.
Si Albert Pagara ay makakalaban si Rodolfo Hernandez ng Mexico para sa IBF Inter-Continental junior featherweight title habang si Ryo Akaho ng Japan at Prosper Ankrah ng Ghana ang magpapang-abot para sa WBO International super bantamweight title.
—Mike Lee