Pinoy sa SoKor nababawasan na

AYON kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, nasa “good standing” na ang Pilipinas sa South Korea sa ilalim ng sistemang ipinatutupad na government to government hiring o mas kilala bilang EPS o Employment Permit System.

Ayon sa ulat na ipinadala sa kanya ni Labor Attache’ Felicitas Bay ng Philippine Overseas Labor Office (POLO), mas tumaas na raw ngayon ang pangangailangan ng South Korea para sa mga bagong Pinoy workers sa kanilang manufacturing sector.

Kulang-kulang sa 5,000 bagong mga OFW ang inaasahang darating mula sa Pilipinas, mula sa dating quota nito na 4,400 at ngayong 2015, naging 4,600 na.

Nangangahulugan lamang umano ito na bumababa ang bilang ng mga iligal na nanatili sa South Korea. Mula sa bilang na 6,548 naging 6,005 ang mga iligal o undocumented noong 2013.

Hindi na rin kasi bago ang panawagan ni Sec. Baldoz maging ng ating Philippine Embassy sa South Korea na sana ay sumunod sa batas ang ating mga kababayan at umuwi ng Pilipinas kapag natapos ang kanilang kontrata.

Maging ang gobyerno ng South Korea ay ganito rin ang panawagan. Patuloy pa rin umano nilang ninanais na makapasok at mabigyan pa ng pagkakataon ang mas maraming Pinoy na makarating at makapagtrabaho sa Korea, kailangan nga lamang na bumalik na ang mga nakatapos ng kontrata at nang mapunan pa rin ang quota ng Pilipinas sa ilalim ng EPS program.

Ang madalas kasing nangyayari kapag patapos na ang kontrata ng isang Pinoy sa ilalim ng EPS, hahanap na ito nang malilipatang trabaho sa halip na bumalik ng Pilipinas.

Siyempre pa, palibhasa alam ng kanilang susunod na employer na iligal na ang kanilang pananatili sa Korea, maabuso na rin sila tulad nang hindi tamang pagpapasuweldo at labis-labis na mga oras ng pagtatrabaho.

Hindi rin magawang magreklamo ng Pinoy laban sa kanyang employer dahil sa iligal nga siya. Sa halip, siya pa nga ang matatakot na maisumbong at ireklamo ng kaniyang employer na maaari siyang ma-deport anumang oras kapag ini-report siya nito sa mga awtoridad.

Kapag ganyan kasi ang pagkakilala ng ibang lahi sa isang OFW, kahit sabihin pang magaling magtrabaho at maasahan ang Pilipino, nasisira nito ang magandang imahe ng Pinoy at nadadamay ang matitino at disente at talagang nagsisikap na magtrabaho nang maayos.

Maging responsableng mga tao sana ang ating mga OFW. Palaging may negatibong epekto ang hindi pagsunod. Hindi man agad-agad, kundi tiyak na aanihin ninyo ang masamang resulta nito.

Huwag na rin sana kayong makadagdag pa sa napakaraming problema ng ating pamahalaan pagdating sa pangangalaga sa mga OFW. Nariyan ang halos magmakaawa na nga para lang maiuwi ang mga kababayan na nagtatrabaho sa mga bansang may gera.

Sana matutong sumunod ang mga kababayan natin sa mga batas na ipinatutupad hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa ibayong dagat. Tatandaan sana natin na pinipili natin o sarili nating kagustuhan anumang ang mangyari sa atin tulad ng mga sinasadyang hindi pagsunod sa batas ng Diyos at batas ng tao.

Read more...