PNoy humingi ng pang-unawa imbes na sori kaugnay ng pagpatay sa SAF44

HUMINGI kahapon si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ng pang-unawa kaugnay ng pagpatay sa 44 Special Action Force (SAF) bagamat wala namang pagsosori na narinig sa kanya sa kabila ng mga panawagan sa kanya kaugnay ng Oplan Exodus.
“Sa bawat Pilipinong nabigo at nasaktan dahil sa mga pangyayaring kaugnay ng operasyong ito: Buong pagpapakumbaba kong hinihiling ang inyong pang-unawa,” sabi ni Aquino sa kanyang talumpati matapos dumalos sa pagtatapos ng PNPA Lakandula Class of 2015 sa Silang, Cavite.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Aquino na lahat ay nasabi na niya kaugnay ng operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
“Sa mata po ng Diyos, totoo po ang sinasabi ko sa inyo. Pero batid ko na may ilang sarado na ang isip at hindi na makikinig kahit ano pa ang aking sabihin,” giit ni Aquino.
Ayon kay Aquino, ito na ang huling pagkakataon na magsasalita siya kaugnay ng pagpatay sa SAF44.
“Siguro naman po, hindi kalabisan kung ipapahayag ko rin ang aking punto de bista, upang linawin sa inyo ang pinanggalingan ng mga desisyong ginawa ko kaugnay ng mga nangyari sa Mamasapano. Karapatan ninyong malaman ang buong katotohanan. Madalas ngang nasasabi: The truth shall set us all free,” dagdag ni Aquino.
Nanindigan naman si Aquino na hindi siya nagkulang nang payagan niya ang Oplan Exodus.
“Bibigyan ko po ng diin: Hindi ko hahayaang pumunta sa isang tinaguriang suicide mission ang sinuman sa ating unipormadong hanay. Kapag nakita kong lubhang peligroso ang isang operasyon, ako ang pinakaunang magsasabing huwag na itong ituloy. Pero sa ipinakita sa aking bersiyon ng plano, nakumbinsi ako na talagang pinaghandaan ito, at magiging maayos ang pagpapatupad nito,” ayon pa kay Aquino.
Muling sinisi ni Aquino sina dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima at ang sinibak na SAF chief na si Getulio Napenas dahil umano sa pagsuway sa kanyang utos at ang hindi pagsasabi ng totoo.
“Ang sa akin lang po, subukan rin sana ninyong ilagay ang sarili ninyo sa sitwasyon ko. Kung sa umaga pa lang na una akong pinadalhan ng mensahe, tinapat na ako at sinabing, ‘Sir, nagigipit na kami, hindi po namin nasunod ang sinabi ninyong koordinasyon kaya mabagal ang usad ng Armed Forces. Puwede po ba ninyo kaming tulungang mapabilis ang responde?’ Kung nalaman ko ito agad, sa tingin n’yo ba, hindi ako gagawa ng paraan para tulungan ang ating hanay?” sabi pa ni Aquino.
Aniya, pagabi na nang inabisuhan siya sa tunay na kalagayan ng 84th SAF o ang tinaguriang Seaborne Company.
“Ngayon nga pong nailahad ko na ang lahat ng pinagdaanan ko, at ang mga hawak kong impormasyon noong araw na iyon, meron po kayang makakapagsabi nang totoo na kaya niyang higitan ang mga nagawa natin sa impormasyong tangan natin noong mga araw na iyon upang tugunan ang sitwasyong hindi man niya batid?‬” sabi pa ni Aquino.

Pangulong Aquino

Pangulong Aquino


‪Idinagdag ni Aquino na gaano man ang pagsisisi niya sa ibinigay na tiwala kina Purisima at Napenas, hindi na rin maibabalik ang buhay ng SAF44.

“Patay na ang 44 na miyembro ng ating kapulisan. At nangyari ito sa panahon ng aking panunungkulan. Dadalhin ko—at uulitin ko po—dadalhin ko ang katotohanang ito hanggang sa aking mismong libingan,” aniya.

Nangako rin si Aquino na mananagot ang dapat managot kaugnay ng pangyayari.

Hindi naman direktang binanggit ni Aquino sa kanyang talumpati ang pagtiyak na mananagot ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sangkot sa pagpatay sa SAF 44, bagamat binanggit na naapektuhan ang usapang pangkapayapaan sa rebeldeng grupo matapos ang pangyayari.

Read more...