Mata sa Malacañang

NAKATATAWA ang mga pahayag nina  Florencio Abad at Ronald Llamas hinggil sa di mapasusubaliang pahayag ni Renato Corona na may mga “kumpare” siya sa loob mismo ng Malacanang.

Ang kanilang mga reaksyon ay insulto sa kaisipang kritikal, o marapat lamang silang sumangguni kina Brooke Noel Moore at Richard Parker, para sa dagdag-kaalaman, o gising-kaisipan.

Tapos na ang mga binitiwang salita ni Corona at ang kanyang mga sagot sa mga tanong sa bista ng impeachment sa Senado, na kinatatauhan ng matatalino’t di matatalino (sa salitang Tulfo, bobo, siyempre).

Masasabi kaya na ngayon lamang nakatuntong ng Malacañang si Llamas, at napakaganda pala ng Malacañang dahil kumikinis ang balat ng mga nagtatagal ng mahabang oras sa Malacañang, pero matagal nang nakatuntong ng Malacañang si Abad.

Kung gayon, ang kailangang tanungin hinggil sa mga kumpare sa Malacanang, sa mga mata sa Malacanang at sa mga tenga sa lahat ng dingding sa Palasyo ng Malacañang, ay ang matatandang reporter, o yung mga beteranong mamahayag. Pero, di ba’t ang mga batang reporter (noong panahon ng Unang Aquino ay may binansagan pang pinabili lamang ng suka ay naging Malacañang reporter na) ay alam din na may mga kumpare’t mga mata sa Malacañang ang mga taga-labas, o ang mga minalas na nabiktima ng weder-weder?

Di ba’t ang magagaling na mga batang reporter sa Malacañang ay ginagamit at pinakikinabangan ang mga kumpare’t mata para maisahan (naka-scoop) ang mga kasama niya sa Palasyo?

Marahil, ang pinakamaraming kilalang mga kumpare’t mata sa Malacañang ay si Celso Cabrera, mula sa kanyang column na “Inside Malacañang,” na lumabas sa mga pahayagan noong wala pang martial law at may martial law na.

Ang panaka-nakang mga pilantik nina Calixto “Stoots” Fernandez at Vicente Tanedo, bagaman proteksyon kay Ferdinand Marcos, ay patunay na kahit mga reporter ay meron din naman silang mga kumpare’t mata sa Malacañang.

Hindi ba kagulat-gulat kung magkaroon ng mga kumpare’t mata sa Malacañang?

Hindi ba sila nagbabasa ng aklat at mga isinulat nina Carmen Suva, Nick Joaquin, Gregorio Brillantes, Teodoro Locsin Sr., Teodoro Locsin Jr., Teodoro Benigno, Amando Doronila?

Kahit sinong presidente na nanirahan sa Malacanang ay di kayang kontrolin, isisante o lipulin ang mga kumpare’t mata sa Malacanang.

Ang pinakamaraming kumpare’t mata sa Malacañang ay naganap na panunungkulan nina Corazon Aquino at Gloria Arroyo.

Sa panahon ni GMA ay mas lalong dumami ang mga kumpare’t mata dahil na rin sa haba ng kanyang panunungkulan bilang pangulo.

Kung ang pinakamaigsing nanungkulan na si Joseph Estrada ay di nakontrol ang mga kumpare’t mata ng kanyang mga kaaway (may nagsasabing alam ito ni Erap pero di niya ito pinagkaabalahan dahil ayaw niya ng intriga), sino pa kayang pangulo kahit siya’y pinakasikat at mahal ng balana?

Sa pamilya, ang tawag diyan ay sumbungero.

Sa pikon, ang tawag niya sa sumbungero ay mahabang ang tumbong.

Pero, kung ang reaksyon sa sumbong ng mahaba ang tumbong ay tanggapin ang sumbong at ipaliwanag na hindi ito ang turan ng nanunungkulan, o kundi’y pulaan pa ang sumbong, ang tawag diyan ay: “o, kitam.”

Read more...