Mar mahahabol pa si Binay

BAGO nagtapos ang second regular session noong nakaraang linggo ay nagsagawa ng pagdinig ang House committee on justice kaugnay ng resolusyon na nananawagan na bigyan ng house arrest si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Alam naman natin na maraming natulungan si Arroyo sa mga kongresista na nasa Kamara ngayon kaya hindi nakakapagtaka na merong pumabor dito.

At siyempre nariyan ang mga militante na tiyak na tututol. Sila ay kritiko ng Arroyo administration at malabo yata na magbago na ang kanilang posisyon.

Palagay ba ninyo papayag ang Malacanang dito? Parang malabong mangyari ito.

At kung sakaling aprubahan man ng Kamara ang resolusyon, alam naman ng mga abogadong mambabatas na wala naman itong magagawa sa kaso ni Arroyo. Ang Sandiganbayan pa rin ang magdedesisyon.

Kung tutuusin ay masuwerte pa nga si Arroyo dahil siya ay naka-hospital arrest. Napakaraming babaeng preso na mas matanda pa sa kanya at may mga karamdaman na nakakulong sa mabaho, masikip at mainit na kulungan na mas maliiit pa ang krimeng ginawa kumpara sa kaso na kanyang kinakaharap.

Ang inaabangan ngayon, lalaya kaya si Arroyo sa susunod na administrasyon?

Dedepende iyan sa mananalo kaya ang tanong ay kung sino ang susuportahan ng dating presidente sa 2016 elections.

Minamaliit ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang rating ng kanyang posibleng katunggali na si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas.

Kung ngayon ang tatanungin, ang isasagot ng mga taga-Liberal Party, si Roxas ang kanilang kandidato sa 2016 polls.
Si Roxas ay naka-4 porsyento lamang sa 2016 electoral presidential preference ng PulseAsia, malayo sa 29 porsyento ni Binay.

Pero malayo pa ang 2016 presidential elections.

At isa pa, hindi pa umano malinaw kung sino ang magiging kalaban ni Binay kaya hindi pa makapamili ng “totoo” ang tao.
Sa dami ng naging kaaway ni Binay, tiyak ko na magkakasundo-sundo ang mga ito upang masiguro na hindi siya
mananalo.

Di bale nang hindi sila ang umupo at sumuporta na lamang sa iisang kandidato kaysa naman si Binay ang manalo. Takot lang nila na balikan sila ni Binay. Kapag si Binay ang nanalo, lagot silang lahat!

Parang napakatagal ng panahon na ginagawa ang drainage system sa General Luna st., ang main road ng San Mateo, Rizal.

Marami na ang nagtataka at umaasa na hindi na aabutin ng tag-ulan ang paggawa.

Dumadagdag kasi ito sa mabigat na daloy ng trapiko lalo na sa Ampid kung saan nakatira ang alkalde ng bayan.

Para sa komento o reaksyon, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.

Read more...