BARAKO, GLOBALPORT MUST WIN NGAYON

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Barako Bull vs NLEX
7 p.m. Globalport vs
San Miguel Beer
Team Standings: Rain or Shine (8-3); Talk ‘N Text (8-3); Purefoods Star (8-3); Meralco (6-4); NLEX (6-4); Barangay Ginebra (5-5); Alaska Milk (4-6); Globalport (4-6); Barako Bull (4-6); Kia Carnival (4-7); San Miguel Beer (3-7); Blackwater (2-8)

MUST-WIN ang sitwasyong kinakaharap ng Barako Bull at Globalport kontra magkahiwalay na kalaban sa pagtatapos ng kanilang elimination round schedule sa 2015 PBA Commissioner’s Cup mamaya sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Makakaharap ng Energy ang rumaragasang NLEX sa ganap na alas-4:15 ng hapon samantalang magtutuos ang Batang Pier at San Miguel Beer sa alas-7 ng gabi na main game.

Ang Barako Bull at Globalport ay kapwa may 4-6 karta at kasama ng Alaska Milk sa ikapito hanggang ikasiyam na puwesto.

Nais nilang makaiwas sa ikasiyam na puwesto dahil sa ang huling apat na koponan sa pagtatapos ng elims ay tuluyang malalaglag. Sakaling magtabla ang Barako Bull at Globalport ay may bentahe ang Batang Pier dahil sa tinalo nila ang Energy, 99-81, noong Pebrero 18.

Matapos ang mainit na simula kung saan nagwagi sila sa unang tatlong laro ay biglang nanlamya ang Energy at minsan na lang nanalo sa sumunod na pitong games. Sila ay may four-game losing skid.

Sa kabilang dako, ang NLEX ang pinakamainit na koponan sa kasalukuyan at mayroong five-game winning streak.

Kung mananalo ang Road Warriors mamaya ay masisiguro nilang matatapos sa ikaapat o ikalimang puwesto. Sa ganitong scenario ay makakasagupa nila ang Meralco sa best-of-three quarterfinals.

Sa import matchup ay makakatapat ng seven-foot Nigerian na si Solomon Alabi ng Barako Bull ang NBA veteran na si Al Thornton ng NLEX.

Ang Globalport ay natalo naman sa huling tatlong laro nito. Hindi pa nanalo ang Batang Pier buhat nang halinhan ni Derrick Caracter si Calvin Warner bilang import.

Ang San Miguel Beer, na nagkampeon sa nakaraang Philippine Cup, ay may 3-7 record. Naglaho ang tsansa ng Beermen na makausad sa quarterfinals matapos na matambakan ng Talk ‘N Text, 113-93, noong Miyerkules.

Ang Beermen ay pinamumunuan ng import na si Arizona Reid na sinusuportahan ng reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo at Arwind Santos.

READ NEXT
Dying in sin
Read more...