Jinkee: Gawin na nila lahat, wag lang maging boksingero!

manny pacquiao

MAGKAKASAMA na ang pamilya Pacquiao ngayon sa Los Angeles, California. Kasama ni Sarangani Vice-Gov. Jinkee Pacquiao ang lima nilang anak ni Pacman na nagtungo sa Amerika para bigyan ng moral support ang Pambansang Kamao sa laban nito kay Floyd Mayweather sa May 2.

Tuwang-tuwa siyempre si Manny nang makita muli ang mga anak na sina Eman, Jimuel, Princess, Queenie at Israel. Mismong ang boxer-politician ang sumundo sa kanyang pamilya sa airport, agad nga nitong kinarga ang bunsong anak na si Israel nang magkita-kita sila.

Sa interview ng Balitanghali Weekend ng GMA NewsTV kay Jinkee, sinabi nitong miss na miss na nila si Pacman, “Si Manny naman kasi, ang mga bata kaagad ang hinaharap niya kapag nasa bahay na ‘yan.

Parati silang naglalaro ng mga ‘yan, lalo na sa bunso naming si Israel. “Walang moment na hindi kasama ni Manny ang mga anak namin. Kaya pagdating nga namin dito, sabay-sabay silang yumakap sa kanya.

Masaya ang feeling kasi buong pamilya kaming nandito para suportahan siya sa nalalapit niyang laban kay Mayweather,” chika ni Jinkee. “Kahit sa TV lang sila nanonood, si Princess yung makikita mong pinakana-e-excite tuwing may laban si Manny.

Ayoko namang isipin na gusto niyang maging boksingera paglaki niya. Kung sa dalawang boys nga namin ay bawal ang boksing, lalo naman sa kanya,” natatawang pahayag pa ng misis ni Manny.

Sa nasabing panayam inamin ni Jinkee na ipinagbabawal nila ni Pacman sa mga anak  ang maging professional boxer, sabi kasi ng People’s Champ okay nang siya na lang ang maging boksingero sa pamilya nila.

“Marami silang puwedeng gawin na dahil mapu-provide ko sa kanila iyon. Huwag nila akong gayahin dahil noong kaedad ko sila, wala akong choice kundi pasukin ang pagiging boksingero.

Gusto kong mabigay sa kanila ang pinakamagandang edukasyon. At gusto rin namin ng mama nila na maging malapit sila sa Panginoon,” ayon kay Pacman.

Nu’ng minsan nga raw na magpaalam ang panganay nilang si Eman na mag-aaral ng boxing natakot daw si Jinkee, “Siyempre kinabahan ako dahil aware naman sila na pinagbabawal namin sa kanila ni Jimuel ang mag-boxing.

Noong sinabi naman niya na pang-self defense raw iyon, pinayagan ko na. Pero other than that, hindi sila puwedeng sumunod sa yapak ng papa nila. Gawin na nila ang lahat, huwag lang ang maging boksingero.”

Paliwanag pa ni Jinkee, mas gusto niyang maging active sa simbahan ang mga anak tulad ng kanilang tatay, “Hindi naman sa gusto namin silang maging pastor in the future.

Gusto lang namin ni Manny na maging buo ang tiwala nila sa Panginoon. Sa lahat naman ng ginagawa natin, nandiyan ang Panginoon. Hindi puwedeng ibale-wala natin iyon.

“Maging successful ka man, kung wala kang faith sa Panginoon, parang wala ring mangyayari sa buhay mo, ‘di ba? Kaya natutuwa naman kami ni Manny dahil masunurin naman ang mga anak namin.

Kapag sinabi namin na magdadasal kami, nakahanda na sila,” sabi pa ni Jinkee sa nasabing TV interview. Samantala, excited na si Jinkee na makita ang bagong bili nilang mansyon sa Amerika na dating pag-aari ng sikat na Hollywood rap star na si Sean “P. Diddy” Combs (hindi kay Jennifer Lopez) na matatagpuan sa Beverly Hills. “Excited na kaming makita.

Mga photos pa lang ang nakikita ko. Yung master bedroom ang photo na pinadala sa akin ni Manny. Pero noong makita ko sa TV yung bahay, maganda siya at approved na sa akin yung house. Sabi nga ni Manny na magugustuhan ko raw yung bahay.

Alam naman niya yung taste ko sa mga gamit, e.”  At siyempre, ipinagdarasal ni Jinkee ang tagumpay ni Manny sa magiging laban nito kay Mayweather, “Never naman akong nag-predict sa mga laban ni Manny.

Hindi ako gano’n dahil naniniwala ako sa power ng pagdadasal. “Kung anuman ang mangyari, ang gusto lang namin ng mga anak niya na maging safe siya. Sa nakikita ko namang training niya ngayon, mas intense si Manny.

Nandoon talaga ang focus niya. But of course, yung pagdarasal ay hindi namin nalilimutan gawin,” aniya pa.

Read more...