Ang pagpirma naman ng kontrata sa GMA 7 ng Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas ang inaabangan ngayon ng marami. Ilang linggo nang usap-usapan ang pagkabilang-bakod ng komedyana pero hanggang ngayon ay wala pang kumpirmasyong nanggagaling mula sa magkabilang kampo.
Pero sa sukatan ng kung tuloy ba o hindi ang paglipat niya sa GMA 7 mula sa ABS-CBN ay mas nakalalamang na ang kanyang paglipat, pormalidad na lang ang kailangan, babalik na si Ai Ai sa istasyong unang nagbigay sa kanya ng tiwala.
Bago pa gumawa ng sitcom sa Siyete si Ai Ai na kasama si Bossing Vic Sotto, ang 1-4-3, ay naging host muna siya ng Lunch Date. Pareho sila ni Willie Revillame na nagsimula sa GMA 7, kaya dalawang anak pala ng network ang nagbabalik sa kanilang bakuran, isang magandang senyal ang ganito.
Sa GMA 7 na nga makikitang madalas si Ai Ai kapag naplantsa na ang kanilang usapan, pero sa paggawa niya ng pelikula ay hanggang Hulyo pa siya may kontrata sa Star Cinema, mabilis naman ang paglipas ng panahon kaya ilang buwan na lang ang kailangan niyang hintayin.
“The station where you belong” ang isinisigaw ng Siyete, ‘yun ang uuwian ngayon nina Willie at Ai Ai, parang pagbiyahe lang sa tunay na buhay ang pagririgodon ng mga artista.
Kahit pa bumiyahe na nang malayung-malayo ang isang tao, iba-ibang bansa man ang kanyang marating, ay babalik at babalik pa rin siya sa kanyang pinagmulan.
‘Yun ang katotohanan ng buhay na nangyayari rin sa takbo ng career ng mga artista.