INILABAS ng Petron Lady Blaze Spikers ang pormang naghatid sa kanila ng titulo sa nakalipas na conference habang karanasan ang ginamit ng Foton Tornadoes para masimulan sa pamamagitan ng panalo ang 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Cup kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mayroong 13 puntos si Dindin Santiago-Manabat habang sina Frances Molina at Aby Marano ay nagsanib sa 13 puntos pa para pagtulungan nila ang 25-16, 25-18, 25-23 straight sets panalo sa baguhang Philips Gold.
Hindi naglaro ang bagong hugot na si Rachel Ann Daquis pero ang malalim na kalidad ng manlalaro ang nagresulta para hindi maaapektuhan ang laro ng Grand Prix champion.
Nauna rito ay ang pamamayagpag ng Tornadoes sa Cignal HD Lady Spikers, 25-18, 26-24, 25-23, para sa magarang simula sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Si Patty Orendain ay mayroong 18 puntos, tampok ang 16 kills, habang may 14 hits, kasama ang dalawang blocks, ang rookie na si Nicole Tiamzon para makitaan ng senyales na mahihigitan ng koponan ang panlimang pagtatapos sa nakalipas na conference.
“I liked how they played. They showed that they are the more experienced team,” wika ni Foton coach Villet Ponce de Leon.
Nawalan ng tatlong beteranang sina Aby Praca, Honey Royse Tubino at Danika Gendrauli, ang HD Lady Spikers ay kinulang sa pagkukuhanan ng puntos dahil si Janine Mercado lamang ang nasa double-digits sa kanyang 10 puntos, kasama ang pitong kills.