Willie magbabayad ng P2M kada linggo sa GMA para sa pag-ere ng WOWOWIN

willie revillame
Nag-trending sa social media ang pagpirma ng kontrata sa GMA 7 ni Willie Revillame nu’ng nakaraang Biyernes nang umaga. Naispatan siya ng isang production staff, ipinost nito ang retrato ni Willie habang nag-aabang siya ng elevator, pormang-porma ang gayak kasama ang kanyang abogado.

‘Yun na! Kumalat na nang kumalat ang balita, nagkani-kanyang konklusyon na ang lahat, Kapuso na nga si Willie Revillame!
Isang taong kontrata ang pinirmahan niya sa GMA 7 para sa kanyang programang Wowowin, sa Mayo na siya magsisimula, siya rin ang magpoprodyus ng kanyang show.

Mainit na tinanggap si Willie ng mga ehekutibo ng network na sina Mr. Felipe Gozon, Mr. Gilberto Duavit, Jr. at Mr. Felipe Yalong.

Ngayon ay siguradong maligaya na ang mga tagahanga ng aktor-TV host na matagal-tagal na panahon ding naghintay sa kanyang pagbabalik, eksaktong isang taon at kalahati siyang nawala sa himpapawid, pero ang mahalaga ay selyado na ang kanyang kontrata sa GMA 7.

Sa nakaraang siyam na taong pagho-host ni Willie ay maraming buhay ang kanyang binago, milyun-milyong piso at kabuhayan showcase ang kanyang ipinamamahagi, kaya napakalaking tulong niya sa mga kababayan nating kapuspalad.

Dalawang milyong piso kada linggo ang babayaran niya sa istasyon bilang blocktimer, lahat ng mga dati niyang staff ang muli niyang makakasama sa Wowowin, kaya tayo naman ngayon ang sumigaw ng “Bigyan ng jacket si Kuya Wil!”

Read more...