Laro Ngayon
(Lucena City)
5 p.m. Barangay Ginebra vs Globalport
KAPWA hangad ng Barangay Ginebra at Globalport na tuldukan ang two-game losing skid nila upang mapaganda ang tsansang makarating sa quarterfinals sa kanilang pagtutuos sa Petron out-of-town game ng 2015 PBA Commisioner’s Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Quezon Convention Center sa Lucena City, Quezon.
Ang Gin Kings at Batang Pier ay kasama ng Alaska Milk sa ikaanim hanggang ikawalong puwesto sa kartang 4-5. Sa ilalim ng tournament format, ang ikasiyam hanggang ika-12 koponan sa pagtatapos ng elims ay tuluyang malalaglag.
Bukod dito, ang ikapito’t ikawalong koponan ay makakatagpo ng top two teams na mayroong twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals.
Ang Barangay Ginebra ay galing sa magkasunod na kabiguan buhat sa NLEX (96-90) at Rain or Shine (82-79). Sa magkaparehong laro, ang Gin Kings ay nakapagposte ng malaking kalamangan sa first half subalit nabigong mapanatili ang intensity hanggang sa dulo.
Ang Globalport ay natalo rin sa huli nitong dalawang laro laban sa Talk ‘N Text (96-88) at NLEX (94-81).
Laban sa Road Warriors ay nagparada ng ikatlong import ang Globalport sa katauhan ni Derrick Caracter na humalili kay Calvin Warner na umuwi sa Estados Unidos upang asikasuhin ang personal na problema.
Isang second-round pick ng Los Angeles Lakers sa 2010 NBA Draft (No. 58 overall), si Caracter ay nagtala ng 27 puntos at 14 rebounds sa kanyang unang laro sa Globalport.
Hindi rin nakapaglaro kontra NLEX ang top draftee na si Stanley Pringle na mayroong injury. Inaasahang magbabalik siya sa active duty mamaya.
Si Caracter ay makakatapat ni Michael Dunigan na susuportahan nina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Mark Caguioa, LA Tenorio at Mac Baracael.
Samantala, naungusan ng Rain or Shine ang Blackwater, 102-98, sa kanilang PBA game kahapon.