IPINAKITA ng Moro Islamic Liberation Front na mababa ang pagtingin nito sa gobyerno nang magpasya ito na magsumite ng report nito tungkol sa Mamasapano massacre sa Malaysia at hindi sa Philippine government.
“It is terribly wrong,” ani dating Pangulo Fidel Ramos.
Ang obligasyon daw ng MILF, bilang mga mamamayan ng bansa, at kaagapay sa peace process, ay isumite ang kanilang report sa government of the Republic of the Philippines at hindi sa gobyerno ng ibang bansa.
Makailang beses na bang pinagsabihan ang gobyerno na hindi itinuturing ng mga Moro na sila’y mamamayan ng bansa kundi mamamayan ng kanilang “bansa” na tinatawag nilang Bangsa Moro.
Kapag naipasa ang Bangsamoro Basic Law ng Kongreso, unti-unting mawawala sa ating bansa ang mga probinsiya na ang mga nakatira karamihan ay mga Muslim.
Baka pa nga sakupin pa rin nila ang buong Mindanao kahit na karamihan dito ay hindi mga Muslim.
Kaya’t hinay-hinay sana ang ating mga
kongresista sa pagpasa ng BBL.
Huwag kayong padalos-dalos, mga abay!
Kung may utak itong si Pangulong Noynoy ay dapat sana ang namuno sa government peace panel at sa presidential adviser on the peace panel ay mga taga Mindanao na hindi Muslim.
Alam kasi ng mga taga Mindanao na hindi Moro ang pag-uugali at loobin ng mga kapatid nilang Muslim.
Dapat nalaman ni P-Noynoy na upang magkaroon ng tunay na kapayapaan sa Mindanao, hindi lang ang mga Muslim sa Maguindanao at Cotabato ang kinakausap kundi maging mga Tausog ng Sulu, mga Badjao ng Tawi-Tawi, mga Yakan ng Basilan, mga Maranaw ng Lanao at iba’t ibang indegenous tribes na hindi Muslim gaya ng Bagobo.
Aanhin ang BBL kung hindi kasali sa usapan ang mga Tausug, Yakan, Badjao, Maranaw at mga lumad?
Hindi nagkakaisa ang mga Muslim dahil kanya-kanya sila ng kultura: Halimbawa, ibang-iba ang kultura ng Tausug sa mga Maguindanaon at Maranaw.
Sinong maniniwala na hindi pinagalitan ni Pa-ngulong Noynoy si Director Benjamin Magalong, chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nang ipinatawag ito sa Malakanyang?
Si Magalong ay namuno ng Philippine National Police (PNP) board of inquiry (BOI) na nag-imbestiga sa pagkamasa-ker ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Sinisisi ng BOI ang Pangulo sa pagkamatay ng 44 SAF commandos.
Ngayon ay iba na ang sinasabi ni Magalong: Kesyo raw wala namang pananagutan si P-Noynoy sa Mamasapano massacre dahil hindi naman daw siya bahagi ng chain of command.
Bakit pa kasi tinatag ang BOI samantalang isa sa mga opisyal na sangkot sa operation sa Mamasapano ay ang Pangulo mismo.
Paano ngayon pagaga-litan ng BOI ang Commander in Chief ng PNP?
Nagpetisyon si suspended Makati Mayor Junjun Binay na ipakulong sina Ombudsman Conchita Carpio-Morales at Justice Secretary Leila de Lima dahil hindi nila sinunod ang kautusan ng Court of Appeals (CA) na huwag munang pairalin ang kanyang 60-day suspension.
Para kasi kina Carpio, De Lima at Interior and Local Governments Secretary Mar Roxas, walang bisa ang temporary restraining order (TRO) ng Court of Appeals dahil nakapagsumpa na si Vice Mayor Romulo “Kid” Pena bilang mayor bago lumabas ang TRO.
Pagpalagay natin na binigyang daan ang petisyon ni Binay to cite the three officials for contempt and jail them, sino ang magsasagawa ng order ng CA?
Tanging ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI) lamang ang makapagsagawa ng order ng korte.
Pero ang PNP ay nasa ilalim ng liderato ni Mar Roxas at ang NBI naman ay kay De Lima.