NAGREREKLAMO si Makati Mayor Junjun Binay sa Court of Appeals (CA) na hindi sinusunod ang temporary restraining order (TRO) nito na ibasura muna ang suspension order sa kanya.
Binigyan ng dalawang buwang palugit si Binay ng CA upang huwag munang isakatuparan ang order ng Office of the Ombudsman na nag-isyu ng suspension order kaugnay ng dimano’y maanomalyang construction ng Makati City Hall Building II.
Pero binalewala ni Interior Secretary Mar Roxas ang TRO ng appellate court at bagkus ay inilagay sa puwesto si Vice Mayor Romulo “Kid” Pena.
Hinihingi ni Binay sa CA na ikulong si Roxas at iba pa, kasama ang lider ng mga pulis na nagbabantay ngayon sa Makati City Hall, dahil sa hindi pagsunod sa TRO.
Binay at CA, maging practical naman kayo.
Kung ipakukulong ng CA si Roxas at kanyang mga kasamahan na nagpatupad ng suspension order ng Ombudsman, sino ang magsasagawa ng kautusan ng Court of Appeals?
Hindi maaasahan ng CA ang Philippine National Police (PNP) na magkukulong kay Roxas dahil ang Big Boss ng PNP ay ang Interior Secretary na si Roxas.
Mapapahiya lang ang Court of Appeals kung ipag-utos nito na ikulong si Roxas dahil walang susunod.
Wala nang magagawa si Mayor kundi bumaba sa puwesto at humanda sa kanyang depensa sa graft case sa Sandiganbayan.
Huwag niyang sabihin na diyan siya matutulog sa kanyang opisina sa mahabang panahon.
Ginawa na ni Binay na bahay ang kanyang opisina mula nang bumaba ang suspension order ng Ombudsman.
Di sinusunod ni Roxas ang TRO ng Court of Appeals dahil sabi ng Ombudsman ay walang bisa ito dahil nakapagpanumpa na si Pena bilang alkalde ng lungsod bago dumating ang TRO ng CA.
Si Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na dating Supreme Court justice, ang nagsabi mismo na walang bisa ang TRO ng Court of Appeals.
Natatakot si Binay na kapag siya’y umuwi ng bahay ay baka bigla na lang pasukin ang kanyang opisina ng mga tauhan ni Pena at iluklok ang acting mayor.
Natatakot si Junjun Binay na baka maraming mga dokumentong madediskubre sa City Hall na bibisto sa nakawang ginawa nilang magpamilya sa kaban ng Makati.
At hanggang kailan mananatili ang mga mahihirap na mga supporters ni Binay na binibigyan ng libreng pagkain upang huwag umalis sa paligid ng City Hall?
Siyempre, magsasawa at mapapagod ang mga supporters nang di kalaunan dahil kakapusin na rin ng pera na ibinibigay sa kanila araw-araw.
Sa ngayon ay umaapaw raw ang salapi na ipinamumudmod ng mga Binay sa mga supporters nila upang huwag umalis sa kani-kanilang puwesto.
Pero hanggang kailan aapaw ang pera at babaha ng pagkain na ipinamumodmod sa mga libu-libong supporters ng mga Binay?
Kapag nagnipis ang hanay ng mga supporters na nagbabantay sa City Hall, asahan natin na papasukin ng mga pulis ang gusali na isinara dahil sa standoff.
Kung magaling sanang lider si P-Noynoy ay tatawagin niya si Vice President Jojo Binay, tatay ni Junjun, at pakiusapan ito na sundin ng kanyang anak ang kautusan ng Ombudsman.
Hindi magandang tingnan na ang matandang Binay, na miyembro ng Gabinete, ay nakikipag-girian sa kasamahan niya sa Gabinete na si Mar Roxas.
Dapat ay sinasaway ng Pangulo ang bangayan nina Roxas at Binay noon pa man.
Pero ano naman ang maaasahan mo sa isang mahinang lider na gaya ni P-Noynoy?