Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Kia vs. NLEX
7 p.m. San Miguel Beer vs. Talk ‘N Text
PATULOY na sisikapin ng San Miguel Beer na makaiwas sa pagkakadiskaril sa sagupaan nila ng Talk ‘N Text sa PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Dakong alas-4 ng hapon naman ay pupuntiryahin ng KIA Carnival na maipagpatuloy ang ‘winning ways’ nito upang makarating sa quarterfinals sa pagkikita nila ng rumaragasang NLEX.
Nagwagi ang Beermen sa dalawang ‘must-win’ matches laban sa Barako Bull (102-91) at Rain Or Shine (129-114) para sa 3-6 karta.
Subalit nanatili ang Beermen sa ika-11 pwesto at kailangang mapanalunan ang huling dalawang laro upang magkaroon ng tsansang makausad sa susunod na round. Ang huli nilang makakalaban ay ang Globalport sa Marso 24.
Ang Talk ‘N Text ay galing naman sa 118-117 triple overtime loss kontra defending champion Purefoods Star sa kanilang out-of-town game sa Davao City noong Sabado at bumagsak sa 6-3. Mahalagang magwagi ang Tropang Texters kung nais nilang magtapos sa top two. —Barry Pascua