Rating ni PNoy sumadsad dahil sa Mamasapano operation

noynoy aquino

BUMAGSAK ang approval at trust rating ni Pangulong Aquino, ang pinakamababa na kanyang naitala mula ng manalo noong 2010.

Ginawa ng Pulse Asia ang kanilang survey matapos ang Mamasapano incident kung saan 44 miyembro ng Special Action Force ang nasawi sa operasyon.

Sa survey na ginawa noong Marso, nakakuha si Aquino ng 38 porsyentong approval rating, mas mababa ng 21 puntos sa knayang nakuhang 59 porsyento sa mas naunang survey noong Nobyembre.

Tumaas ng 12 porsyento ang kanyang disapproval rating mula 11 ay naging 23 porsyento. Ang undecided ay tumaas sa 39 mula sa 30 porsyento.

Bumaba ang approval rating ni Aquino sa buong bansa at ang pinakamababa ay naitala sa Visayas (-27 porsyento) na sinundan ng National Capital Region (-23), Mindanao (-22) at iba pang bahagi ng Luzon (-18).

Ang kanyang trust rating ay bumaba ng 20 porsyento o mula 56 ay naging 36 porsyento. Ang kanyang distrust rating ay 27 porsyento mula sa 13 at ang undecided ay 37 porsyento mula sa 31.

Bumaba siya sa lahat ng lugar at ang pinakamalaking pagbaba ay naitala sa NCR (-25 porsyento). “This is the first time the President has posted non-majority national approval and trust ratings in Ulat ng Bayan surveys since he was first rated as president by survey respondents back in October 2010,” ayon sa Pulse Asia.

Ginawa ang survey mula Marso 1-7 at kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Naniniwala naman ang kaalyado ng Malacanang na si Iloilo Rep. Jerry Trenas na mataas pa ang emosyon sa pagkamatay ng SAF 44 kaya ganito ang naging resulta ng survey.


Sinabi naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice maaaring nagkaroon ng ‘lapse in judgement’ si Aquino sa Mamasapano operation at makababawi rin ito.

Read more...