SI Pangulong Aquino ang unang nagsabi na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry na pinangunahan ni Chief Superintendent Benjamin Magalong, at ngayong nailabas na ang report, ang mga ayudante ng pangulo ang unang kumukontra at pumupuna sa nilalaman ng report.
At ang unang kinontra ay ang malinaw at naghuhumiyaw na bahagi ng report na nagsasabing mismong si Aquino ang bumali sa Chain of Command nang direkta nitong isangkot sa isang malaki at sensitibong operasyon ang suspendidong hepe ng Pambansang Pulisya na si Director General Allan Purisima. The truth is we just needed one official body to declare what has been a glaring reality from the very start. We just needed a validation and we just needed someone like Magalong and his co-members in the BOI to hit the nail right on the head. Kung kaalyado ka ng pangulo, kahit gaano kalinaw ang report at nasa tungkil na ng iyong ilong ang katotohanan, iiwas at iiwas ka rito. Take for example the case of DILG Secretary Mar Roxas. Noong bago pa lang pinag-uusapan ang isyu, kinompronta na ni Roxas si dating PNP-Special Action Force Director Getulio Napenas kung sino ang nag-utos sa kanya at sinagot siya na ang pangulo ang nag-utos. Doon pa lang alam na ni Roxas ang puno’t dulo ng kwento. Detalye na lang ang kulang, pero ang pinagmulan ng lahat, alam na niya. Ngunit ngayong nakalabas na ang report, iwas si Roxas na tukuyin si Aquino. At sa halip na suportahan ang resulta ng imbestigasyon na ginawa ng mga opisyal na nasa ilalim ng kanyang bagwis bilang kalihim ng DILG, siya pa ang kumontra rito. Kung tutuusin, si Roxas ang unang dapat na nasaktan sa malinaw na pagbalewala sa kanya ng pangulo sa isang napakahalagang operasyon laban sa terrorist target na si Marwan. Alam ni Roxas ang layunin ng pamahalaan na igupo si Marwan. Inilihim nga lamang sa kanya ang araw na mismong isinakatuparan ang isang pangunahing misyon kontra banta ng terorismo. Kawalan ng tiwala yun sa unang tingin, ngunit higit sa usapin ng tiwala ang naitaya sa madugong araw na iyon ng Enero 25, 2015. Direkta kong tinanong si Secretary Roxas nang araw na ilabas ang report at ang tanong ko sa kanya: “Hindi ba ninyo naitanong man lang sa pangulo kung bakit hindi niya nasabi sa iyo ang tungkol sa aktuwal na pagpasok ng tropa ng PNP-SAF sa teritoryong hayagang inaangkin ng Moro Islamic Liberation Front na kanilang kontrolado?” Hindi na raw kailangan. Binigyan niya ng katwiran at sinabing naipaliwanag na ng pangulo ang bagay na ito. Tinanong ko uli, “Hindi ba niya naitanong man lamang kung bakit ang kausap ng pangulo ay isang suspendidong opisyal ng PNP sa katauhan ni Purisima?” Ang sagot, “Malinaw na walang otoridad si Purisima sa kanyang mga naging pagkilos kahit pa sabihin niyang nasa punto ng intelligence pocket lamang ang kanyang naging bahagi sa mismong operasyon.” Tama naman. Pero sino nga ang kumausap? Sino nga ang kaharap ni Purisima? Hindi ba’t ang pangulo? Binabalikan natin ang mga bagay na ito upang ilagay ang pinagmumulan at pinaka-sustansiya ng report ng BOI. Ang lahat ay nagsimula sa isang COMPLAN. Ang naturang COMPLAN ay binigyan ng basbas. At ang basbas na ito ay galing sa pangulo. Sumangga man ang mga ayudante ng pangulo, malinaw ang pinagmulan ng lahat at iyon ang nilinaw ng BOI report. Hindi kapangahasang sabihing naniniwala ako na mas nakararaming mamamayan ang titindig sa panig ni Magalong at mga kasama niyang nasa likod ng matapang na BOI Report. Salamat sa katapangang ipinamalas. Gumawa kayo ng kasaysayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
