NASAYANG ang pagod ng 2,000 pulis na dumating sa Makati City Hall kahapon ng alas-3 ng madaling araw upang ihain ang suspension order ni Mayor Junjun Binay.
Kahapon din — malapit nang magtanghali — nagbaba ang Court of Appeals ng temporary restraining order (TRO) na pinipigil ang suspension order kay Mayor Junju Binay.
Ang batang si Binay — ang matanda ay si Vice President Jojo Binay na kanyang ama at dati ring mayor ng Makati — ay nahaharap sa kasong graft dahil sa diumano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building II.
Ayaw niyang sundin ang suspension order dahil malalaman ang mga katarantaduhan na ginawa niya at ng kanyang ama kapag si Vice Mayor Kid Peña ay naupo bilang acting mayor.
Maraming dokumento ang marahil ay nakatago sa City Hall tungkol sa walang habas na pagnanakaw ng mga Binay sa kaban ng bayan ng Makati.
Kung wala siyang itinatago, bakit niya pinipigil ang kanyang suspension order?
Dapat ay tanggapin niya upang makapaghanda siya sa kanyang depensa sa Sandiganbayan.
Ang Office of the Ombudsman ang nag-isyu ng six-month suspension order kay Binay. ***
Gaya ng karamihan, naghinala rin ang inyong lingkod sa pag-isyu ng TRO sa suspension order kay Junjun Binay.
Pero ilang mga lubhang mapagkakatiwalaang sources sa Court of Appeals mismo ang nagsabi sa akin na ang mga justices na nagbaba ng TRO ay hindi nalalagyan.
Malinis at tapat daw sa kanilang tungkulin sina Associate Justices Jose Reyes Jr. at Eduardo Peralta Jr., sabi ng aking mga sources. qqq
Hindi mo rin masisisi kung maghinala na may anomalya sa pagbaba ng TRO kahapon dahil noong nakaraan ay gumastos ng malaking pera ang mga Binay upang mabigyan sila ng TRO.
Ang pagbigay ng TRO noon kay Mayor Jojo Binay, na ngayon ay Vice President na, ay naging resulta ng anomalya: Binigyan daw ang mga justices na humawak ng petition for TRO ng milyon-milyong piso.
Ang graft case laban kay Jojo Binay ay tungkol sa pagkakaroon ng maraming “ghost employees” sa Makati City Hall.
Nagbayad din daw ng milyon-milyong piso muli ang kampo ni Jojo Binay upang ang TRO ay maging permanent injunction. Hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang kasong graft laban kay Jojo Binay.
Ganoon din ang kasong graft laban kay dating Mayor Elenita Binay, asawa ni Jojo, sa malaking patong sa presyo ng mga hospital equipment sa Ospital ng Makati.
Paano ko nalaman na may perang ibinayad upang maibaba ang TRO noon sa kasong graft laban kay Jojo Binay?
Mismong mga dating tauhan ni Jojo Binay na nakipag-usap sa mga justices upang mag-isyu ng TRO ang aking sources of information.
*** Ipinag-utos ni Prosecutor General Claro Arellano na isampa muli ang kasong rape na dinismis ng dalawang piskal sa Puerto Princesa City .
Sinabi ni Arellano, boss-chief ng lahat ng mga piskal sa bansa, na ang hahawak ng prosecution sa rape case ay manggagaling sa Department of Justice sa Maynila.
Ibinasura nina City Prosecutor Joy Olga Rabang at Assistant Prosecutor Marivic Adla Bungay ang kasong rape na inihain ng isang 16-anyos na high school student laban sa isang 24-anyos na lalaki dahil hindi na raw virgin ang complainant!
Nagsumbong sa inyong lingkod ang mga magulang ng bata kaya’t idinulog ko ito kay Arellano.
Bukod sa kaso ng 16-anyos, may iba pang rape cases na dinismis ng dalawang piskal.
Ang bali-balita ay tumanggap ng lagay ang dalawang piskal sa mga respondents ng rape cases.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
