Jodi misis na misis kung alagaan si Jolo, kasal na lang ang kulang sa relasyon

jodi sta maria
Konting panahon pa at diretso na uling makapaglilingkod bilang ikalawang ama ng kanilang probinsiya si Vice-Governor Jolo Revilla. May therapy lang siyang kukumpletuhin dahil sa kanyang sugat at pagkatapos nu’n ay makapagtatrabaho na uli siya sa pamahalaan ng Cavite.

Ayon sa aming anak-anakan na nasa PNP Custodial Center nu’ng Linggo nang hapon ay medyo pumayat ang bise gobernador ng Cavite. Malaki ang nabawas sa kanyang timbang pero ang kakisigan ng aktor-pulitiko ay hindi nabawasan.

“Si Senator Bong ang tinitingnan namin all the time, siya ang pinagmamasdan namin. Ibang-iba na ang aura niya, lumiwanag na ang face niya, kasama niya na kasi uli ang anak niya.

Grabe ang pinagdaanan nilang mag-asawa nu’ng maaksidente si VG Jolo. Parang pasan nila ang buong mundo,” kuwento ng aming anak-anakan.

Siguro nga ay kasal na lang ang kulang sa kanila ni Jodi Sta. Maria, pormalidad na lang ang kailangan, dahil misis na misis na ang dating ng magandang aktres nang malagay sa alanganin si VG Jolo.

“Hindi siya umaalis sa ospital, kung kailangan lang niyang sunduin ang anak niyang si Thirdy, du’n lang siya magpapaalam. Magkalaro ang anak niya at si Gab na anak naman ni Jolo, kaya perfect talaga ang relasyon nila,” papuri ng aming kausap sa magandang aktres.

Misa ng pasasalamat ang ginanap nu’ng Linggo sa Custodial Center at para na rin sa kaarawan ni VG Jolo.

Read more...