Hindi pa rin natitinag ang lakas ng hatak sa TV viewers ng charming primetime drama series ng ABS-CBN na Dream Dad sa kabila pagkakaroon nito ng bagong katapat na programa.
Base sa datos mula sa Kantar Media noong Lunes (Marso 9), pumalo ang seryeng pinagbibidahan nina Zanjoe Marudo at Jana Agoncillo ng national TV rating na 32.5%.
Patuloy din ang pangunguna ng Dream Dad noong Martes (Marso 10) kung kailan nakakuha ito ng national TV rating na 33.9%.
Samantala, tiyak na mas mapapaibig ang TV viewers sa kwento ng kilig serye ng Dos ngayong hindi na mapigilan ni Baste (Zanjoe) ang kanyang pagseselos sa espesyal na pagkakaibigan nina Alex (Beauty Gonzales) at Paul (Matt Evans).
Magagawa na ba ni Baste na sumugal muli sa pag-ibig at aminin ang tunay niyang nararamdaman para kay Alex? Sino nga ba ang mas mananaig sa puso ni Alex–ang matagal na niyang hinahangaan na boss na si Baste, o ang matagal na niyang kaibigan na si Paul? Huwag palampasin ang pagpapatuloy ng feel-good family drama series na magpapangiti sa puso ng viewers,
Dream Dad, gabi-gabi, pagkatapos ng TV Patrol sa ABS-CBN Primetime Bida.Samantala, sa nakaraang thanksgiving presscon ng Dream Dad, inamin ni Zanjoe na gusto na rin niyang magkaroon ng anak, at siyempre, ipinagdasaral niya na si Bea Alonzo na nga ang magiging mommy ng kanyang future kids.
“Gusto ko (magkaanak), sana ‘di na lalagpas ng limang taon. As soon as possible. Siguro nasa tamang edad na rin ako at gusto kong magkapamilya ako, nakakapaglaro pa kami, nakapag-bonding pa sa sports,” chika ng binata.
Nilinaw din ni Zanjoe ang mga tsismis na nagkakalabuan na sila ni Bea at muntik nang maghiwalay, “Walang ganu’n (hiwalayan), wala talaga.
Happy na happy siya na nangyayari sa akin sa Dream Dad. Busy kasi eh, busy ako pero pag may time naman talagang lagi kaming nagkikita at meron na kaming plano nitong bakasyon ngayong Holy Week, ‘yun para makabawi sa lahat ng araw na hindi kami lumabalas.”
Siyempre, nag-alala rin si Zanjoe nang mabalitaan niyang naaksidente si Bea sa shooting ng latest movie nito, “Oo, nga, e. Nahulog siya sa sailboat, ‘yung training niya para sa movie niya, parang nagkaroon siya ng maraming bruises pero okay na siya.
Nakapag-training na siya noong nakaraang araw, gusto talaga niyang matutong mag-sail.”