NALALAPIT na ang laban ni Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr.
Marami ang nagsasabi na ang labang ito nina Pacquiao at Mayweather sa Mayo 2 (Mayo 3 sa Pilipinas) sa Las Vegas ay maituturing na “fight of the century”.
Dehado si Pacquiao sa laban kay Mayweather. Sa Estados Unidos, halos doblado ang pustahan pabor kay Mayweather. Magkaganito man, ang lahat ng Pilipino sa loob at labas ng Pilipinas ay nakataya pa rin sa Pambansang Kamao at naniniwalang mananalo ito laban sa Amerikanong boksingero.
Kung pagbabasehan ang boxing record ni Mayweather, hindi mo talaga ito basta-basta kayang maliitin. Sa kanyang 18 taong boxing career, wala pa itong talo sa 47 niyang laban na ang 26 rito ay knockout.
Si Pacquiao naman ay may record na 57-5, na may dalawang draw o tabla at 38 na knockout, at masasabi rin namang hindi ito basta naitawid lang ng Pambansang Kamao.
Sa labang ito, malaki ang perang pinaglalabanan ng dalawang boksingero. Inaasahang makakakuha ng $120 milyon si Mayweather habang $80 milyon naman ang inaasahan na maiuuwi ni Pacquiao.
At para manalo si Manny kay Mayweather, kinakailangan niya ng konsentrasyon at matinding sakripisyo. Hindi isang biro ang kaharapin si Mayweather na tinagurian ng mga boxing aficionados na magulang, mautak, at magaling maging sa depensa man o sa opensa.
Pero ang masaklap, habang papalapit ang kanyang laban, ang maling gawi o nakasanayan ni Pacquiao o ng kanyang kampo ay naririyan na naman. Imbes na dibdibang atupagin ang training, mukhang ang atensiyon ni Pacquiao ay hindi nakasentro sa kanyang pagsasanay.
Pansining mabuti: Kung hindi aso ang kasama ni Pacquiao sa kanyang training, parang may rally o kilos-protesta dahil sa dami nang nakikitakbo sa kanya na sasabayan pa ng pagpapa-picture o selfie, at pagpapa-autograph.
Bukod pa riyan, nakabuntot ang laksa-laksang amuyong at alalay. Sa kanilang tinutuluyan, akala mo ay may handaan palagi; umaapaw ang pagkain habang masayang-masaya si Pacquiao na sumasabay sa pagkain ng mga bisita.
Bukod dito, sumi-segue din siya sa kanyang pakanta-kanta para sa kanyang recording stint. Oo, naroroon na tayo na isang malaking celebrity si Pacquiao at hindi maiiwasan na dumugin siya ng tao sa kanyang training o pagsasanay.
At batid rin naman natin na hindi kagandahang asal kung palalayasin niya ang kanyang mga bisita sa kanyang tahanan na bumibisita sa kanya.Pero iba ang labang ito na susuungin ni Pacquiao!
Ang laban niya kay Mayweather ay hindi walk in the park. Hindi ito isang laban na matapos ang bakbakan ay itutulog na lang at makakalimutan na agad ng mundo.
Malaki ang tatak na maidudulot nito sa kasaysayan ng boksing. Hindi basta isang champion lang si Mayweather. Marami ang nagsasabi na siya ang pikamagaling na boksingero na iniluwal sa mundo ng boksing.
At mapapatunayan lang talaga ito kung hindi siya matatalo ni Pacquiao. Pero paano nga ba matatalo ni Pacquiao si Mayweather?
Kailangan ni Pacquiao ang matinding pagsasanay at ang pagsasanay na ito ay dapat may katuwang na matinding concentration at focus.Ang labang ito ay hindi lang para sa kanya o sa kanyang pamilya kundi para sa bayan.
Hindi kailangang papetiks-petiks na training para mapatumba o matalo ang isang Mayweather. Sabagay mahigit isang buwan pa bago ang laban at hindi pa huli ang lahat.
Kung kailangang maging mahigpit ang kampo ni Pacquiao sa mga tao na nais masilayan ang Pambansang Kamao sa kanyang training ay gawin na nila.
Kung kailangan palayasin ang mga amuyong at sumisipsip lang ay gawin na rin nila agad-agad, alang-alang sa tagumpay ni Pacquiao!
Nasa kamay ni Pacquiao at ng kanyang kampo kung pakikinggan nila ang simpleng payong ito: Bukod sa puso at pananalig, matinding concentration, focus at training ang kailangan para matalo si Mayweather.