KINUMPLETO ng Ateneo ang makasaysayang kampanya sa 77th UAAP women’s volleyball sa pamamagitan ng 25-22, 25-17, 25-23 straight sets panalo sa karibal na La Salle para sa 16-0 sweep kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang ikalawang sunod na straight sets panalo ng Lady Eagles sa Lady Archers at 6-0 sila kung isasama ang huling dalawang tagumpay na naiposte sa finals ng 2014 season.
May 20 hits, tampok ang 19 kills, si Alyssa Valdez habang sina Amy Ahomiro, Michelle Morente at Bea De Leon ay nagtala ng tig-10 puntos para sa balanseng pag-atake.
Ang setter na si Julia Morado ay may 32 excellent sets bukod sa anim na puntos. Ang kinilalang Best Setter ang siyang nagbigay ng panalo sa Ateneo nang akuin niya ang huling dalawang puntos sa laro mula sa matitinding tapik sa bola sa net plays.
Ang papaalis na liberong si Denden Lazaro ay mayroong 16 digs at walong excellent reception habang si Ella De Jesus na mawawala na rin ay mayroon pang limang hits at pitong digs.
“Noong magsisimula ang game ay ipinaalala ni coach Tai (Buhdit) na lalaban ang La Salle. Naglaro lamang kami as a team,” wika ni Valdez na pinarangalan din bilang regular season MVP bago nagsimula ang laro.
Hindi naman niya nakuha ang Finals MVP dahil ito ay napunta kay Ahomiro na nakatuwang si De Leon sa pagdepensa.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may naka-16-0 sweep at dalawa na ang marka na nagawa ng Ateneo dahil noong nakaraang taon ay sila ang bukod-tanging koponan na nagkampeon kahit ang katunggali na La Salle din, ay mayroong thrice-to-beat advantage.
Ang baguhang si Mary Joy Baron ang nanguna sa Lady Archers sa kanyang siyam na puntos at kahit pinahirapan nila ang paboritong Ateneo, lumabas ang kakulangan ng maaasahan lalo na sa endgame sa first at third sets.
Napilay ang Lady Archers nang nawala ang team captain at kamador nitong si Ara Galang dahil sa left knee injury na nakuha sa ikalawang stepladder semifinals kontra sa National University.