Mercado sinabing nagsolicit siya ng P30M sa utos ni VP Binay

ERNESTO MERCADO INQUIRER

ERNESTO MERCADO INQUIRER

SINABI ni dating Makati vice mayor Ernesto Mercado na umabot lamang ng 30 minuto para makapagsolicit ng P30 milyon mula sa isang kilalang negosyante sa lungsod para pondohan ang pagpapatayo ng isang hotel sa Mt. Makiling sa Laguna matapos ang umano’y kahilingan na noo’y Makati City Mayor at ngayon ay Vice President Jejomar Binay.
Idinagdag ni Mercado na hiniling ni Binay ang pagtatayo ng hotel sa Boy Scouts of the Philippines (BSP) camp sa Laguna para sa 26th Asia-Pacific Regional Scouts Jamboree na ginanap mula Disyembre 28, 2009 hanggang Enero 3, 2010. Si Binay ay matagal nang presidente ng BSP.
“Ako po ang nautusan noon ng aming dating mayor, na ngayon ay Vice President na si Vice President Jejomar Binay. Ang sabi po n’ya sa akin ay ganito: ‘Pare, gusto ko naman ang Boy Scouts ay makapagmalaki. Dito sa Pilipinas gagawin ang Regional Jamboree, gusto kong sa Makiling may nakatayong hotel na tutuluyan ng mga adult scouts’…” sabi ni Mercado sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon subcommittee kaugnay ng mga umano’y maanomalyang kontrata na pinasok ng mga Binay.
“Masunurin po akong tao. Noong panahon pong ‘yun, ang Boy Scouts po ay walang pera para matayo ang gusali. Kasama ko ho si Mr. JR Pangilinan, ang aming national treasurer Enrique Lagdameo, kinapalan ko ang aking mukha sa pagpapadala ng sulat ng panghihingi ng pera sa malalaking kompanyasa Makati,” dagdag ni Mercado.
Aniya, ang P30 milyon ang ginamit para mapasimulan ang hotel ng Boy Scouts sa Makiling.
Nagkakahalaga ang hotel ng P150 milyon.
Ayon naman kay Mercado, nagkakahalaga lamang ang hotel ng P60 milyon hanggang P65 milyon at hindi P150 milyon.

Read more...