NAGSALITA na si Matteo Guidicelli tungkol sa hindi mamatay-matay na issue sa kanila ni Sarah Geronimo – totoong hiwalay na raw sila at itinatago lang sa madlang pipol ang totoo.
Sa presscon ng bagong Primetime Bida series ng ABS-CBN na Inday Bote kung saan makakatambal ni Matteo si Alex Gonzaga, muling pinabulaanan ng binata ang tsismis. Maayos na maayos daw ang relasyon nila ng Pop Princess.
“Okay, okay naman kami. Masaya naman kami. Wala that’s just negative stuff to bring us down but it’s not going to bring us down,” paglilinaw ni Matteo.
“Sarah and I, we are strong. We are going strong and sana we will forever be strong hindi ba?” dagdag pa ng aktor.
Dagdag pa ng binata, suportado siya ng kanyang girlfriend sa kanyang mga proyekto, lalo na nga rito sa Inday Bote, sa katunayan, excited na nga raw ang dalaga na mapanood ang mga eksena nila ni Alex sa serye na magsisimula na sa March 16.
“Sobrang supportive niya. Alam niya na first love ko ang pag-arte. Close naman sila (Alex at Sarah) so wala namang problema. Hindi naman siya nagseselos, wala naman,” paniguro ng Kapamilya hunk.
Samantala, tiniyak nina Matteo at Alex na mag-eenjoy ang buong pamilya sa Inday Bote kung saan makakasama rin nila si Kean Cipriano at ang bibong child star na si Alonzo Muhlach na gaganap na dwende.
“Swak na swak para sa buong pamilya ngayong summer ang kwento ng Inday Bote. Dito po kasi sa teleserye, mas makikilala ng mga manunuod si Inday bilang tao, anak, kapatid, at bilang isang babaeng umiibig.
Siguradong maraming matututunan ang mga kabataan sa kwento ni Inday dahil para sa kanya, walang mahirap sa taong may pangarap,” ani Alex.
Gagampanan ni Alex dito ang karakter ni Inday, isang masayahing babae na puno ng pangarap para sa kanyang sarili at pamilya. Unti-unting magbabago ang buhay ni Inday nang pagkalooban siya ng isang mahiwagang bote na naglalaman ng mga duwendeng mayroong kapangyarihan.
Kasama rin dito sina Aiko Melendez, Alicia Alonzo, Smokey Manaloto, Nikki Valdez, Malou Crisologo, Jeffrey Santos, Nanding Josef, Alora Sasam, Biboy Ramirez at Izzy Canillo, mula sa direksyon nina Malu Sevilla at Jon Villarin.
Ang Inday Bote ay bahagi ng magical summer campaign ng Dreamscape Entertainment TV.