ISANG 56-anyos na lalaki na biktima ng bag-yong Yolanda ang nanalo ng P23.6 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 noong Pebrero 21.
Napaiyak ang nanalo nang makumpirma na siya ang jackpot winner nang magtungo ito sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa Mandaluyong.
Ang nanalo ay empleyado ng gobyerno at mayroong limang anak. Sila ay taga-Eastern Samar.
Siya ang nakakuha ng mga numerong 02-10-13-26-27-41 sa naturang bola. Lucky pick (computer generated) ang kanyang tinayaan. Nagkakahalaga ng P20 ang kanyang taya ng manalo.
Plano niyang bumili ng sariling bahay sa Cebu City kung saan lumipat ang kanyang mga anak. Magtatayo rin siya ng negosyo.
Kuwento ng nanalo kay PCSO general manager Atty. Jose Ferdinand Rojas II natangay ng bagyo ang kanyang bahay at gamit.
Napawalay din sa kanya ang kanyang mga anak na lumipat sa Cebu City dahil sa hirap ng buhay sa kanila.
“Kaya sobrang pasalamat ko po sa Lotto ng PCSO at muli ko po maibabalik ang mga nawala po sa amin mga ari-arian,” saad ng nanalo kay Rojas.