IPINAG-UTOS ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang pagpapalaya kay Sajid Islam Ampatuan, anak ni dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr., at isa sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao massacre case matapos magpiyansa ng P11.6 milyon.
Naglagak si Sajid Ampatuan ng P200,000 kada isa para sa 58 counts ng murder na pinadaan sa Travellers Insurance and Surety Corporation.
Ipinalabas ng mababang korte, sa pamamagitan ni Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes, ang release order ngayong araw.
“The same is hereby approved and he is allowed to be on temporary liberty upon the same bonds,” sabi ng kautusan ng korte.
Si Sajid ang unang Ampatuan na pinayagang makapagpiyansa.
Pinayagan ng korte ang petisyon ni kampo ni Sajid para makapagpiyansa matapos umanong “the prosecution panel failed to establish strong evidence that would warrant the continued detention of Sajid Islam while the trial is ongoing.”