TATLO sa bawat 10 Pilipino ang naghihirap ngayon. Dalawa naman sa bawat 10 pamilya ang mas humirap ang buhay, base sa pinakabagong “poverty incidence survey” ng Philippine Statistics Authority.
Sa record na 24.6 porsyento na bilang ng naghihirap noong unang quarter ng 2013, umakyat ito ng 25.8 porsyento sa unang quarter naman ng 2014. Maging ang bilang ng mga pamilya na naghirap ay dumami rin, mula sa dating 18.8 porysento noong 2013 ay naging 20 porsyento noong 2014.
Ayon sa National Economic Development Authority, ang dahilan daw nito ay ang mataas na presyo ng pagkain at ang lumalalim na epekto pa rin ng bagyong Yolanda. Sa unang anim na buwan ng 2014, nagtala sila ng 9.5% increase sa food poverty samantalang tumaas din ng 9.4% ang overall poverty threshold.
Katunayan, 10 sa 17 rehiyon ay nakaranas ng “double digit” na pagtaas sa “food poverty”.
Hindi ako magtataka sa kahirapan ngayon dahil ang bigas ay mabibili sa P45-50 kada kilo, ang manok (P160/kilo), baboy (P190/kilo), baka (P250/kilo) at maging isda ay napakamahal na rin. Mataas ang presyo ng bilihin pero di naman nadadagdagan ang sweldo.
Pagkatapos inutil pa ang Department of Agriculture at National Food Authotity sa pag-aresto sa dagdag presyo ng bigas. Oo nga’t nabandera ang rice smuggling, pero may nangyari ba?
Hindi tuloy malaman kung sino ba talaga ang “in charge” sa pagkain, si Agriculture Secretary Proceso Alcala ba o si Food Security adviser Kiko Pangilinan?
Habang sila’y nag-aaway at nagkakalituhan sa posisyon, ayun, “double digit” ang itinaas ng presyo ng mga pagkain.
Bukod diyan, patuloy ang paghihirap ng mga Pilipino dahil sa mga “structural injustices” at “income inequality”.
Una rito ay ang mga magsasaka na pinalalayas sa kanilang lupa ng mga makapangyarihang landgrabbers at mga kapitalista galing Metro Manila. Idagdag pa riyan ang mga mangingisda na nawawalan na ng mga traditional fishing grounds dahil sa walang humpay na “sand mining” sa kanilang karagatan.
Nariyan din ang “endo” sa mga malalaking mall na dahil sa palagiang pagtaas ng kita ng mga kapitalista, ay lalo pang ibinababa ang kanilang mga sweldo at binabawasan din ang mga benepisyong dapat ay tanggapin ng mga empleado.
Sa P466 kada araw na suweldo sa Metro Manila, sa tingin nyo ba makakaipon pa ang mga manggagawa niyan?
Sa totoo lang, pantawid-araw na lang ang kanilang kita. Totoong “buhay isang kahig, isang tuka” na walang pagkakataon makaipon. Sa madaling salita, ang kanilang kinabukasan sa pagtanda nila ay “bahala na si Batman”.
Ano ba ang ginagawa ng DSWD na merong pondong Pantawid Pamilya na umaabot sa P78 bilyon ngayong 2015. Nakakarating ba ang pera sa mahihirap?
Panay ang sabi ng gobyerno, “inclusive growth” daw at walang maiiwan sa kaunlaran. Matapos ang halos limang taon, mukhang naiwanan na ang mga mahihirap habang payaman nang payaman ang mga negosyanteng naghaharing uri sa kasalukuyang administrasyon.