HINDI puwersado ang mga Fil-Americans na wala sa bansa na sumali sa 2015 Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna mula Marso 19 hanggang 22.
Ayon kay Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) president Philip Ella Juico sa mga mamamahayag na dumalo sa press conference sa Contis sa Greenbelt 2, Makati City kahapon, ang mga Fil-Ams ay may kani-kanilang trabaho sa Estados Unidos at naiintindihan niya na maaaring inirereserba ang mga leave para sa Southeast Asian Games.
“We have people monitoring their performance in competitions they are competing and they are allowed not to join the Open,” wika ni Juico.
Isa na sa hindi makakarating ay ang Myanmar SEA Games gold medalist sa 110m hurdles na si Eric Cray.
Pero ang lahat ng mga locals na nasa pool ay dapat na lumahok dahil basehan ito para mapasama sila sa delegasyon.
Kasama sa pagpupulong sina 19-anyos Ernest John Obiena at 22-anyos Patrick Unso na parehong nagsabi na handang-handa na sa palaro na sasalihan din ng mga bansang China, Chinese Taipei, South Korea, Hong Kong, Brunei, Thailand, Malaysia, Vietnam, Singapore, Indonesia at Myanmar.
Si Obiena ang record holder sa pole vault sa itinalang 5.20 meters na dalawang beses niyang naabot noong 2014.
Target niyang maabot uli ito sa Open para lumakas ang pagnanais na maalpasan ang 5.30m.
Ito ang dapat na alpasan ni Obiena sa Singapore para makuha ang gintong medalya at matabunan ang ikaapat na puwestong pagtatapos sa 2013 SEA Games.
Sa kabilang banda, kailangang maabot ni Unso ang 14.14 segundo tiyempo para masama sa delegasyon.