P10 bawas pasahe sa taxi epektibo na sa Lunes

INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P10 provisional rollback sa flagdown rate ng mga taxi na ipapatupad na simula Lunes, Marso 9.
Mula P40 pagsakay ay magiging P30 na lamang ito. Saklaw ng bayad na ito ang unang 300 metro ng biyahe.
Dahil provisionary, hindi obligado ang mga taxi operator na ipa-calibrate ang metro ng kanilang mga taxi kundi babawasan lamang ng P10 ang papatak na singil.
Nagbanta si LTFRB chairman Atty. Winston Ginez na parurusahan ang mga driver na hindi susunod sa utos nito.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, nagkakahalaga ng P5,000 ang multa sa driver na sisingil ng labis sa kanyang pasahero, sa unang paglabag.
Sa ikalawang paglabag ay P10,000 multa at 30 araw hindi makakabiyahe ang sasakyan at sa ikatlo ay P15,000 multa at kanselasyon ng Certificate of Public Convinience kaya hindi na ito magagamit na pamasada.
Ayon sa LTFRB, sisimulang ipatupad ang bawas-pasahe sa Lunes sa mga air-conditioned taxi services kasama ang Airport Taxi Service.
Hindi naman pinagbigyan ang petisyon ni Negros Oriental Rep. Manuel Iway na ibaba sa P2.50 ang P3.50 dagdag sa bawat susunod na 300 metro ng biyahe.
“While this Board as a regulatory agency, has in mind the interest and concerns of public land transport operators, we need to be more mindful of our primary mandate of serving the interest of the riding public,” ani Ginez.
Sa mga datos na nakuha ng LTFRB, bumaba ng 25 beses ang presyo ng gasolina noong 2014 o pagbaba na umabot sa P13 kada litro.
Nagpatuloy ang pagbaba ng presyo ng gaslina ngayong taon na umabot sa P3.90 kada litro.
Maaari umanong bawiin ang provisional rollback kapag muling tumaas ang presyo ng gasolina.

Read more...