MAKIKITA ang posibleng kahihinatnan ng gagawing kampanya ng Pilipinas sa athletics sa Singapore Southeast Asian Games sa gaganaping Philippine National Open Invitational Championships mula Marso 19 hanggang 22 sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Ang lahat ng kasapi ng national pool ay sasabak sa kompetisyon na patitingkarin sa paglahok ng 11 dayuhang bansa.
Ang mga bisita ay manggagaling sa Japan, Korea, China, Chinese Taipei, Hong Kong, Thailand, Indonesia, Vietnam, Malaysia, Singapore at Brunei.
Mga Southeast Asian countries ang huling anim na bansa kaya’t magkakaroon agad ng pagkakataon na makilatis ang mga posibleng makalaban sa Singapore SEA Games sa Hunyo.
Mangunguna sa pambansang delegasyon ay ang anim na atleta na kabilang sa national Olympic program na binuo ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) sa pangunguna ng pangulo nitong si Philip Ella Juico at sports patron/businessman Jim Lafferty.
Ang mga ito ay sina pole vaulter Ernest John Obiena, Archand Bagsit, Jesson Cid, mga Fil-Ams Eric Cray at Zion Corrales-Nelson at Olympian Marestella Torres.
Sina Obiena at Cid ang mga recold holders sa pole vault at decathlon at ang huli ay isang gold medalist sa Myanmar SEA Games tulad nina Bagsit at Cray.
“This will be a National Open like no other dahil pang-SEA Games na ang level nito,” wika ni Juico.
“We expect the competitions to be tough and it will be a treat to the people of Laguna seeing these top athletes from the region go at it,” ani pa ng dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).
Tig-23 events ang paglalabanan sa men’s, women’s at juniors categories habang may anim pa ang paglalabanan sa Masters at 19-under divisions.