OA daw ang atensiyon na ibinibigay ng mga imbestigador ng PNP sa pagkakabaril sa sarili ni Vice-Gov. Jolo Revilla, ayon sa kampo ng aktor-politician.
Ayon mismo sa spokesperson ng pamilya Revilla na si Atty. Raymund Fortun, kuwestiyonable ang ginagawang mga hakbang ng PNP sa kaso ni Jolo. Ayon sa ulat, “overacting” na ang pagbuo ng task force para lang imbestigahan ang nasabing insidente.
“Kung bakit magkakaroon ng task force over something like this…Di ba, dapat magkaroon sila ng task force sa Mamasapano, hindi yung dito sa Jolo Revilla? Sorry, ha, pero medyo OA yata yung kung sino man ang nagbigay ng utos na ‘yan.
“There’s no need for a task force here. It’s a private matter, nangyari sa loob ng bahay, walang ibang mga taong involved. Iisa lamang ang nasaktan, ‘yung mismong biktima, kung sino ang kumalabit,” paliwanag ng abogado ng mga Revilla sa isang panayam.
Dagdag pa ni Atty. Fortun handa naman silang makipagtulungan sa imbestigasyon ng PNP, pero hindi nila makita ang logic kung bakit meron pang task force na binubuo lang kapag may mga malalaking kaso tulad nga ng nangyari sa Mamasapano, Maguindanao.
Ang pag-alma ng kampo ni Jolo ay kasabay ng pag-turnover ni Atty. Fortun sa isang Glock 40 caliber pistol sa mga pulis, ang baril na ginamit ni Jolo, sa Muntinlupa City Police noong isang araw.
Hirit pa ng abogado ng mga Revilla, “In any case, hindi naman itinatanggi ni Jolo Revilla na siya yung kumalabit ng baril, e. So, what’s the purpose of the paraffin test?
“Wala pong krimen na suicide. Hindi po krimen ang suicide. Hindi rin po krimen ang depresyon, hindi rin po krimen ang accidental discharge,” ayon pa sa spokesman ng Revilla family.