Walang “Salamat po”

WALA na bang modo ang henerasyon ngayon at di na marunong magpasalamat sa tulong, o paki, o abala, na ibinigay mo? Hindi na ba itinuturo ng mga magulang sa mga anak ang magpasalamat sa mga bagay, tulong at abala na tinatanggap? Sa pansamantalang relief distribution center sa ibabaw ng tulay sa Commonwealth ave., North Fairview, Quezon City, nagtitinginan na lang ang namamahagi ng mainit na lugaw at isang supot ng mga pagkain (noodles, candy at tinapay). Sa loob ng 15 minuto, naubos agad ang relief goods sa ibabaw ng maliit na trak. Sa tinatayang 75 katao na binigyan ng pagkain, tatlo lang ang nagpasalamat. Isa sa mga namahagi ng relief goods ay walang natatandaan na nakarinig siya ng “Salamat po” sa mga pumili, sumingit sa pila at nanggulang sa pila. Ang natatandaan niya ay may mga negrereklamo pa. “Ito lang ba?,” “Wala bang damit?,” “Babalik ba kayo mamayang tanghali,” “Magdala naman kayo ng mineral water, at sana naman, damihan na ninyo.” May napuna si sister: pabalik-balik lang ang iba at pagkakain ay humugot ng sigarilyo’t umupo si gilid. Habang ibinubuga ang usok na hinithit sa puting sigarilyo, dinukot ang cellphone sa bulsa at nag-text. “Sister, dala ka ng load bukas,” pahabol ng biktima ni Ondoy. Sa isa pang relief distribution center sa Barangay Tala, Caloocan City, nangingibabaw ang reklamo ng nagsasabing binaha siya at nawalan pa raw ng bahay. “Ayan na naman kayo. Puro kayo lista ng mga pangalan namin, wala naman kayong ibinigay na relief,” angas ng babaeng tila 40-anyos na. “Ano pong relief ang ibig ninyo?” tanong ni sister. “Siyempre, damit! Sawang-sawa na kami sa kanu-noodles. Lasang expired pa nga ang noodles ninyo,” sagot ng babae. Ganito na ba ang ating tinutulungan ngayon? Wala nang pagpapahalaga sa mga bagay na ating pinagsikapan at pinagkaabalahang malikom para may maibigay sa mga biktima ng baha? Ganito na ba ang sukli sa ating tulong sa mga residenteng matitigas ang ulo at nagpumilit na magtayo ng bahay sa mismong gilid ng ilog at sapa, na alam naman nila na bawal doon at alam naman nila na kapag bumaha ay maaari silang anurin at mamatay? Ganito na ba ang ugali ng iba nating kababayan, na kukutyain pa ang nagmagandang-loob at tumulong sa kanila? Ganito na ba ngayon? Iba ang Pinoy noon.

BANDERA Editorial, 100109

Read more...