Martes nang tanghali, hindi mapakali si Senador Bong Revilla, paikut-ikot siya sa kakapiraso niyang mundo sa PNP Custodial Center.
Tingin siya nang tingin sa relo, ilang oras pa ay bibiyahe na siya papuntang Asian Hospital, pinayagan na siya ng Sandiganbayan para madalaw ang kanyang anak na si Vice-Governor Jolo Revilla.
Kuwento ng aming source, “Mula nu’ng last Saturday pa nu’ng malaman niya ang nangyari kay Jolo, iyak na siya nang iyak. Nakakalungkot naman kasi ang ganu’n, tatay siya ng anak na aksidenteng nabaril ang sarili, pero wala siyang magawa dahil nakakulong nga siya.
“Kahit naman siguro sinong tatay, e, bibigay kapag ganu’n. mabuti nga, nandu’n si Senador Jinggoy Estrada na palaging nakasuporta sa kanya,” malungkot na kuwento ng aming source.
Ala una y medya pa lang ay umalis na ang convoy ni Senador Bong sa Camp Crame, kumakabog ang kanyang dibdib, hindi niya alam kung paano niya tatanggapin ang isa pang matinding paghamon na dumating sa kanilang buhay.
Masuyong yakap na kinambalan ng halik, gustung-gustong yakapin nang mahigpit ng aktor-pulitiko ang kanyang panganay pero hindi puwede, maraming nakakabit na instrumento para sa pagmo-monitor sa kalagayan ni Jolo.
“I’m sorry, papa, I’m sorry,” agad na sabi ni VG Jolo sa kanyang ama, agad namang pinaglubag ni Senador Bong ang emosyon ng kanyang anak, “It’s alright, anak, we have to be strong.”
Kritikal pa ang kalagayan ngayon ng nakababatang Revilla, bukod sa pagsusuka nito ng dugo ay lumobo pa ang kanyang tiyan, kaya bantay-sarado sa kanya ngayon ang mga doktor sa Asian Hospital.