Wala nang dapat ipag-alala ang mga nagmamahal sa pamilya Revilla, maayos na ang sitwasyon ni Vice-Governor Jolo Revilla, habang sinusulat namin ang kolum na ito ay maaaring nakalipat na siya sa kanyang pribadong kuwarto mula sa ilang araw na pamamalagi sa ICU ng Asian Hospital.
Naampat na ang dugo sa kanyang lungs, naging matagumpay ang kanyang operasyon, ilang araw pang pahinga at makalalabas na ang batambatang aktor-pulitiko.
Matinding hamon sa kanyang pamilya ang nangyari kay VG Jolo, mabigat na dalahin, dahil nangyari ang aksidente sa isang panahong nakapiit pa ang kanyang ama.
Ilang araw na walang magawa si Senador Bong Revilla kundi ang makibalita, mga kuwento lang ni Congresswoman Lani Mercado ng pampalakas ng loob ang kanyang inaasahan.
Kahapon ay naglabas ng desisyon ang Sandiganbayan na maaaring dalawin ni Senador Bong si VG Jolo sa ospital. May takdang oras lang na ibinigay sa aktor-pulitiko pero ang pinakamahalaga ay makikita ng ama ang kanyang anak sa isang panahong sinusubok sila ng kapalaran.
Habang nagpapagaling si VG Jolo ay patuloy pa rin ang pagsasanga-sanga ng mga kuwento tungkol sa aksidente niyang pagkabaril sa kanyang kanang dibdib, kung anu-anong bersiyon ng mga balita ang naglalabasan, pero hindi na ‘yun binibigyan ng panahon ng pamilya Revilla dahil ang pinakamahalaga para sa kanila ay maayos na ang kanyang kalagayan ngayon.
Isang malaking leksiyon ng buhay ang iniwanan ng aksidenteng ito sa buhay ng batambatang pulitiko. Sa susunod ay mag-iingat na siya.
Aminado si Vice-Governor Jolo Revilla na nagkamali siya, isang pagkakamaling hinding-hindi na mangyayari pa uli, dahil sisiguruhin na niyang magiging mas responsable siya sa paglilinis ng kanyang armas.