Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Alaska Milk vs Kia Carnival
7 p.m. Barako Bull vs San Miguel Beer
Team Standings: Talk ‘N Text (6-2); Meralco (5-2); Rain or Shine (5-2); Purefoods Star (5-3); Barako Bull (4-3); Barangay Ginebra (4-3); Globalport (4-4); NLEX (3-4); Kia Carnival (3-5); Alaska Milk (2-4); Blackwater (2-6); San Miguel Beer (1-6)
SISIKAPIN ng San Miguel Beer na makaahon buhat sa pangungulelat bago magbakasyon ang liga sa pagtutunggali nila ng Barako Bull sa 2015 PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon, hangad ng Alaska Milk na wakasan ang two-game losing skid nito sa pagkikita nila ng Kia Carnival.
Ang Beermen ay galing sa 113-105 overtime na pagkatalo sa defending champion Purefoods Star noong Linggo at nanatiling nasa ibaba ng standings sa record na 1-6. Sa kabilang dako, natalo naman ang Energy sa Rain or Shine, 103-91, at may 4-3 karta.
Madedehado ang San Miguel Beer kung patangkaran ng import ang pag-uusapan dahil sa si Arizona Reid ay isa sa pinakamaliit na reinforcement. Makakatapat niya ang seven-foot Nigerian na si Solomon Alabi.
Subalit ang itatapat naman ni San Miguel Beer coach Leo Austria kay Alabi ay ang reignng Most Valuable Player na si June Mar Fajardo na nagkukulang sa consistency sa kasalukuyang torneo.
Sina Reid at Fajardo ay susuportahan nina Arwind Santos, Chris Lutz, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Chris Ross.
Makakatuwang ni Alabi sina Solomon Mercado, JC Intal, Chico Lanete, Carlo Lastimosa at Dave Marcelo.
Matapos talunin ang San Miguel Beer, 107-100, ang Alaska Milk ay natalo sa sumunod na dalawang laro laban sa Rain or Shine (99-89) at Barako Bull (93-91) at bumagsak sa 2-4 karta.
Ang Aces ay hindi pa nananalo buhat nang halinhan ni Damion James si DJ Covington bilang import.
Ang Kia Carnival ay galing naman sa 115-104 pagkatalo sa kapwa expansion franchise Blackwater Elite noong Sabado.
Bago ang kabiguang iyon ay nagrehistro ng back-to-back na panalo ang Kia Carnival laban sa Purefoods Star at Talk ‘N Text.
Ang Kia Carnival, na may 3-5 record, ay pinamumunuan ng 7-foot-3 Puerto Rican import na si Peter John Ramos na sinusuportahan nina LA Revilla, Hyram Bagatsing, Mark Yee, Leo Avenido at Riel Cervantes.