Napaluhod at naiyak si Sarah Geronimo nang tanghaling The Voice of the Philippines Season 2 grand champion ang “alaga” niyang si Jason Dy.
Talagang dedma na si coach Sarah sa kanyang poise nang i-announce ang pangalan ni Jason bilang ikalawang The Voice of the Philippines winner.
Kahit na naka-gown ang Pop Princess ay wala siyang kiyeme na lumuhod sa paanan ni Jason habang umiiyak.Matapos ang ilang segundo, tumayo rin ang Pop Princess at niyakap si Jason habang patuloy na umiiyak.
Ayon kay Sarah, nakita niya ang kanyang sarili sa binata noong manalo rin siya sa isang talent search sa TV, ang Star for a Night. March 1 din daw noong tanghalin siyang grand champion sa nasabing contest.
“Pareho kaming March 1 nanalo. Grabe ito, unexpected. Ang ine-expect ko ‘yung worst na eh. Ganu’n kasi ako eh. Hindi ako nag-e-expect ng kahit ano. Kaya sobrang gulat na gulat ako.
Nanghina ako kanina,” ani Sarah sa interview ng ABS-CBN. Puring-puri rin ng singer-actress ang kakayahan ni Jason bilang singer, na aniya’y pang-world-class talaga.
“Si Jason has his own voice na hindi mo maririnig sa iba. World-class eh. Kapag pinakinggan mo, pwede mong isabay kay Sam Smith, kay Beyonce. Talagang world-class talent,” aniya pa.
Hirit pa ni Sarah, “Paulit-ulit lang naman (ang sinasabi ko sa kanya), na kumanta siya lagi galing sa puso. Hindi talaga ‘yan sa high notes and sa lakas ng boses.
Sabi ko nga, napakahirap humanap ng artists na hindi kinakailangang bumirit para lang ma-touch ang puso mo kapag kumakanta sila.”
Bilang The Voice season 2 winner, sangkatutak na premyo ang naiuwi ni Jason, kabilang na ang P2 million cash, house and lot, bagong sasakyan, music instrument package, business package, Asian tour package for two at recording and managing contract with MCA Music.
Inaasahan naman ng supporters ni Jason na mapapanood din nila ang binata bilang regular performer sa ASAP 20 ng ABS-CBN.