Robins, Adorna wagi sa Tri United 1

NAGBUNGA ang paglahok sa unang pagkakataon ng Australian professional triathlete na si Mitch Robins nang dominahin ang ULAH Tri United 1 kahapon sa Dungaree Beach, Subic Bay.

Ang 26-anyos na si Robins, na mula pa noong 2012 ay kumakarera na sa Pilipinas pero una sa triathlon event na inorganisa ng Bike King at suportado ng Unilab Active Health, ay kumawala agad sa swim event para katampukan ang matuling isang oras, 55 minuto at 42 segundo.

Siya lamang ang manlalaro na nakapagtala ng sub-2 hours sa mga kumarera sa standard distance at iniwan niya ng milya-milya ang mga ULAH triathletes na sina John Chicano at Benjamin Rana sa 2:02:44 at 2:05:01 oras.

Halagang P10,000 ang premyong napanalunan ni Robins habang P6,000 at P4,000 ang pakonsuelo nina Chicano at Rana.

Pinangatawanan naman ng national record holder sa kababaihan na si Claire Adorna na siya ang titingalain ngayon sa kanyang hanay nang pangunahan ang aksyon sa women’s elite.

Pinahanga ng 21-anyos na tubong Marikina City ang mga sumaksi sa karerang may ayuda pa ng Aboitiz, Enervon Activ, Active Health Sports Gel, Enervon HP at Aboitiz Power nang pumangalawa siya sa swim event kasunod ni Robins.

Read more...